Jul 27, 2013

Puwan: Sa Gitna ng Liwanag at Dilim

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz




CHAPTER VI

Mabilis akong tumayo, papalapit sa bakal na pinto. Pinapakiramdaman ang bawat galaw sa labas. Papalayo na ang mga yabag at mga nilalang na kanina ay gumising sa akin.... Gusto kong sumigaw. Gusto kong tawagin sila ulit, pero natatakot ako. Madilim sa loob ng shop. At hindi ko alam kung anong nasa labas. Idinikit ko ang tenga sa salamin na nanunuot sa buto ang lamig, naghahanap ng senyales. Kahit ano, kahit ano na makakapagbigay buhay sa loob ko.
Pero hindi ko na matagalan ang pagkabalisa at pagkabaliw. Bahala na.... Kahit sino pa sila, mas ok na ito... Bahala na. Hindi ko na iisipin kung masamang tao sila, basta ang alam ko kelangan ko ng kasama. Hindi rin naman sila siguro monster. Kung halimaw sila malamang di sila magmamadali para di abutan ng buwan.
Mabilis kong binuksan ang pinaghirapan kong ilock na pinto, hindi ko alam, pero todo ang kabog ng dibdib ko. Kelangan ko sila abutan. Kelangan ko ng isang bagay na makapagpapaalala sakin na hindi pa ako baliw, na hindi pa ako nagiisa, na hindi panaginip ang lahat ng ito. Oo nga at nakausap ko na si Brando. Pero di padin ako mapalagay, mahirap iasa ang kapalaran ko sa boses na hindi ko alam kung totoo, sa taong di ko kilala, sa taong di ko alam kung nasaang lupalop.
Mabilis pa sa alaskwatro ang takbo ko sa hallway ng megamall. Dinaanan ang mga nakabukas paring mga tindahan. Bigla akong nagutom, pero titiisin ko muna. Saka baka expired na rin yung mga luto kahapon sa Jollibee at KFC. Gusto ko sanang mag elevator, mukhang mas mabilis sa escalator.
Hawak ko parin ang baseball bat at screwdriver habang patalon talon ng hakbang sa escalator.
"Tao po!!!! Asan na kayo?" 
"May tao ba rito! Asan kayo"
Mas lalong bumibilis ang kabog ng dibdib ko habang pababa ng pababa sa megamall... Dumating na ako sa ground na nagdudugtong sa Building A at Building B. Pero wala paring bakas ng buhay na nilalang. Palinga linga at paikot ikot ang ulo, pabilis ng pabilis, takbo rito takbo roon. Lingon dito, lingon doon. Pero wala padin.... Nakakaaning kanina yung katahimikan, ngayon naman nakadagdag pa sa ka-aningan yung tunog ng maliit na arcade na natapatan ko. Parang tanga na tumutugtog ang dance dance revo at mga boses ng games ng karera.
Pero mula sa nakakabaliw na sitwasyon, isang malakas na kalabog ang pumunit sa nauurat kong isipan. Isang pinto sa may bandang CR ang sumarado. Papunta sa kung saan na hindi ko alam. Anak ng tinapa. Umaga pa diba? Naglabasan na kaya ang mga halimaw. Pero diba sa Pulang Buwan pa sila masagana ang powers, yun ay kung tama ang hula ko at intindi ko sa mga pahayaw na babala ni Brando.
Kahit kakaba kaba agad kong tinungo ang pinanggalingan ng tunog. Isang malaking pinto sa tabi ng CR ang nakita kong lumalangitngit. Sa taas nito nakasulat ang fire exit. Maliwanag naman sa kabila ng pinto. Pero kung ipipinta ang mukha ko at kabog ng dibdib ko malamang sa malamang, abstract at hindi maintindihan. Kukulangin ang pintura ni Picasso o ni Michael Angelo, sa iba ibang emosyon na aking nararamdaman.
Dahan dahan at maingat kong pinasok ang pinto. Sa loob nito isa nanamang nakakabinging katahimikan. Kahit ang paghinga ko ay pigil sa mga bawat hakbang na aking ginagawa. Nampucha talaga, kelan ba matatapos ang bangungutot na ito.
Mahaba ang pasilyo ng fire exit na iyon. Isa, dalawa, tatlo. Nakatatlong liko na ako pero wala parin akong nakikita. Puro Fire extinguisher lang at mga neon signs ng arrow kung saan ka dapat pupunta kapag may nogsu. Mabilis na ang aking lakad ngayon. Hawak ang bat at screwdriver, handa na ako sa mga bawat hakbang at sa kung ano pa naman ang darating.
Malapit na ako sa labasan. Unti unti nang nawawala ang kaba ko, baka nga naman hangin lang yun. Letche naman talaga oh, saan na kaya napunta yung mga nilalang na kanina ay hinahabol ko. Kumakalam na ang sikmura ko. Pero tinatamad na akong bumalik. Malapit na ako sa labasan. Tanaw ko na ang pinto palabas. Bahala na. Kung EDSA man ang labas nito, o kung saang lupalop. Ayoko na manatili pa dito.
Anak ng Tinapa, umuwi kaya muna ako. Baka sa daan makakita ako ng tao. Anak ng tinapa ulit. Wala nga palang byahe ng LRT. Wala na nga rin palang drayber ng jeep o traysikel. Kahit taxi payag ako magbayad ng hindi de metro. Pero anak ng tinapa nga naman, wala nang tao. Putek, bakit hindi ko ba naisipan magaral magmaneho. Anak ng tinapa naman oh.... Kung kelan isang paradise ang edsa na walang kasabay na sasakyan, at isang Utopia sa mga carnapper ang Pinas dahil sa dami ng sasakyang pwedeng madekwat at ipa-chopchop.
"Sino Ka? Sagot"
Nakatutok sa mukha ko at kita ko ang dalawang barrel ng shotgun na nakatapat sa aking noo, ang bumungad sa aking sa pagbukas ko ng pinto...
Sa dulo, ang may hawak ng gatilyo. Isang babae. Sa likod nito dalawang batang takot na nagtatago sa kanyang mga hita.
Anak ng tinapa....
(ITUTULOY)

1 comment:

  1. Very interesting blog. A lot of blogs I see these days don't really provide anything that attract others, but I'm most definitely interested in this one. Just thought that I would post and let you know.

    ReplyDelete