Nov 11, 2011

Rotonda

ROTONDA

Galing  Dito ang Larawan


Nakatingin ako sa mga ilaw ng Morato, nakatulala sa estatwa ni Tomas. Kahit nangangalay na ang aking leeg pilit kong binabanaag ang kanyang mukha. Pangarap kong maging imortal. Pero mahirap yata yun sa panahong ito, maliban nalang kung isa kang bampira o lamang-lupa. 24 na taon, yan na ang ginugol ko sa mundo, halos 1/4 na ng buhay ko, (kung aabot man ako sa 100 na sa malamang ay hindi) 24 na taon na wala pa akong napatunayan, wala pa akong nagawa, wala pa akong nababago. Magulo padin ang mundo, 'sing gulo ng mga kawad ng kuryente na dinadaanan ko sa bawat hakbang, parang walang saysay ang mabuhay-mamatay-mabulok sa mundong ibabaw. Lahat tayo dumadaan lang sa mundong ito, isang paglalakbay kung saan ikaw ang pipili ng landas mo. Matagal ko nang pinagisipan kung saan ako dadaan, pero mas madali itong isipin kesa gawin. Gusto kong maging imortal, hindi man sa katawang lupa ko ay kahit sana sa mga nagawa-gagawin-iiwan ko. Pero paano? Paano ako sasalubong sa bawat landas kung ang bawat nakikita ko ay kawalang-pagasa? walang-pagpapahalaga, pagwawalang bahala, pagwawalng-awa at walang pakialam ang bawat tao. Kung magiging imortal man ako, paano, saan? Magsusulat ako ng libro. Isang imortalidad sa mga susunod na henerasyon, pero pagkatapos, paano? Sa mabilis na mundo, may nagbabasa pa ba ng libro? babsahin mo pa kaya ako kahit wala na ako, matapos mong basahin ang mga titik, diwa at kwento, ano ang mababago? Katulad din ba ito ng math, science, algebra, sibika, hekasi at p.e book mo na pagkatapos ng eskwela ay makakalimutan mo. Paano nga kung naging imortal ako sa pamamagitan ng libro? Gawan man ako ng estatwa, rebulto o kahit simento, pagkatapos ng maraming panahon, maaalala mo pa kaya ako? O magiging katulad lang ako ni Tomas Morato, estatwang di gumagalaw, nakatingin sa malayo, pero sino at ilan pa kaya ang makaka-kilala sa kanya. Magiging isang rebulto nalang ba ang imortalidad? Magiging isang Pangalan ng Kalsada? O mabubulok nalang sa mga library at mga lumang eskaparate na may nakasulat sa labas: BOOK SALE. BUY 1 TAKE 1.

No comments:

Post a Comment