Jul 29, 2013

Puwan: Ang Bitter Truth

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz



VIII



Natagpuan ko ang sariling tumatakbo nakasunod sa babaeng kanina lang ay nagpakaba sa buong katawan ko. Mga ilang metro ang layo nila sa akin, tumatalon talon sa mga kotse sa EDSA, umiiwas iwas at sumisingit singit sa mga naglalakihang bus na nakahambalang. Ang ilan ay umaandar pa ang makina, ang ilan nakafullstop at naubusan na ata ng gasolina. Karamihan at nagkabanga banga na sa mga unahang sasakyan. Mula sa likod kita ko na nahihirapan na ang babae sa pagbuhat sa dalawang chikiting. Ilang sandali pa ay naabutan ko na sila, at kita ko sa kanyang mga mata na hirap na siya sa pagtakbo.
"Saan tayo pupunta?", tanong ko habang tumatakbo.
Hindi siya nagsalita at nakatingin lang sa malayo, habang humihingal. Ramdam ko ang pagod niya kaya hinawakan ko siya, pero hindi siya huminto. Hinawakan ko ang isa sa bitbit niyang bata, napatingin siya sa akin, isang matalas na tingin. Pero hindi ko nagpatinag sa mga tingin niyang iyon. Sa daglit na paglapat ng aming mga mata alam kong alam niya kung anong ibig kong sabihin. Tumango lang siya habang lumuwag ang kapit niya sa isang batang karga niya.
"Ate, ayoko!!!! Wag mo akong ibigay sa kanya", sigaw ng isang bata nang tuluyan ko na siyang nahawakan at kinarga, habang patuloy sa pagtakbo.
"Kaibigan siya....", sambit ng babae, habang nagpupumiglas parin ang bata sa aking mga kamay.
"Di kita iiwan", patuloy ng babae habang sabay na kaming humihingal sa pagtakbo. Pagtakbo sa kung saan, at kung sino man ang aming tinatakbuha. Sa pagkakataong ito, kumapit sa akin ang bata ng mahigpit. Kapit na parang napanatag ang loob.
Hindi kami huminto sa pagtakbo, nilampasan ang LRT Ortigas at Annapolis, hanggang sa marating na namin ang dating Uniwide na ngayon ay Save More Supermarket na. Pumasok kami sa loob. Isinara ang pinto, at naghanap ng isang sulok. Pareho kaming humihingal, at napasalampak nalang sa sahig. Sa likuran namin ay dalawang magkatabing malalaking chest type ref na may lamang Ice Cream at Fishbols, French Fries at Squidballs.
Tahimik ang buong paligid, at hininga naming hingal na hingal lang ang tanging maririnig.
"Ligtas na ba tayo?", sabi ng isang bata.
Nagkatinginan nalang kami ng babae. Napatingin din ako sa dalawang bata, na ngayon ko lang nasigurado na kambal. Nasa mga 5 o 6 na taon siguro ang edad. Nakayakap sa babaeng hinahabol parin ang kanyang hininga. Tumingin sakin ang babae na nagbigay ulit sakin ng kaba, hawak parin niya ang shotgun. Anak ng tinapa, ang lakas nitong babaeng ito. Kanina pa siya tumatakbo dala yung mabigat na shotgun saka yung bata. Ako sa pagmamadali at hingal ko kanina nabitawan ko na yung baseball bat at screwdriver. Pero tingin ko kaya niya padin akong patumbahin, kung sakaling mabaliw siya at makipaghamunan ng suntukan. Talo ako.
Itinaas niya ang kanyang kamay at akmang inilapit sa akin, na siya ko namang ikinabigla at napaatras ako lalo sa sinasandalang ref ng squidballs at kikiam.
"Ako si Christina", habang nakaabot ang kamay niya sakin.
"Max..... Ako si Max... Maximus Generoso", nanginginig na nakipagkamay sa kanya.
"Ako si Jizel!" "Ako si Joara", Halos magkasabay na sambit ng dalawang cute na chikiting.
"Kambal sila", sabat ni Christina na humahangos padin sa paghinga.....
"Anong nangyari? Asan na ang mga tao? Bakit tayo tumatakbo? Kanino tayo tumatakbo", sunod sunod na birada ng tanong ko....
Nagkatinginan lang ang tatlo na parang nagtataka din.
"Hindi mo talaga alam?", nagtatakang tanong ni Christina.
"Hindi ko alam, nanonood lang ako ng sine sa Megamall, ang huling natatandaan ko ay yung malakas na tunog parang kidlat. Nawalan ako ng malay at paggising ko, eto na. Sabihin mo sakin kung anong nangyayari."
Inalis ni Christina ang tingin sa akin, at tumingin na malayo..... Tumahimik ito na parang may malalim na iniisip.
"Ang Pagbabalik..... Ito na ang pagbabalik niya.....", matapos ang ilang sandali ay ito ang namutawi sa bibig niya.
Pagbabalik? Wala akong maintindihan, ayaw ko namang magtanong pa ulit. Wag, hindi muna ngayon. Gusto kong makiramdam muna. Ayaw ko ding ma-info overload. Pero sino ang sinasabi niyang magbabalik. Ang labo talaga. Anak ng Tinapa.
Tumingin ulit sa akin si Christina, kung kanina ay matalim at mapagdudang tingin, ngayon mas malumanay at may bakas ng awa sa kanyang mga mata. Oo awa ang nakikita ko sa kanyang mga mata, anak ng tinapa. Ganon ba ako ka-pathetic? Hay buhay nga naman. Pero hindi ko din siya masisisi, mukha naman talaga akong lampa at kaawaawa. Para sa kanya, nakakaawa ako na walang alam at absolute zero s mga nangyayari.
Matagal siyang nakatitig sa akin, na medyo nailang ako. Gusto ko sanang putulin ang tingin na iyon, yumuko at manahimik nalang. Pero ayaw ko naman ipakitang mahina ako. Eto na ito, ngayong may kasama na ako. Ngayong alam kong hindi panaginip o guni-guni ang lahat. Ngayong may taong alam kong makakapagbigay liwanag sa lahat ng katanungan ko. Wala nang atrasan to. Kailangan kong malaman ang totoo. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya, mga tingin na nagsasabing "Pucha naman, wag nang paexcite mamamatay na ako sa kaba at takot, kelangan ko ng sagot"
Maya maya pa ay nagsalita din si Christina.
"Katapusan na ng Mundo. End of the World, Magbabalik na si Kristo........."
(ITUTULOY)

Jul 28, 2013

Puwan: Shotgun

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz



VII


Sa dalawang centimetrong pagitan ng dulo bukana ng tubo ng shotgun, tumatagaktak ang pawis ko... Malamig at mainit. Butil butil na dumadaloy sa noo pababa ng pisngi at mukha. Nakakapaso ang init sa labas ng Megamall pero mas nakakapaso ang tingin ng babaeng may hawak ng gatilyo sa akin.
"Sino ka? Sumagot ka!!!"
Anak ng tinapa, hindi ko na alam kung saan ako matatakot. Sa mga monsters, sa pulang buwan o sa may hawak ng shotgun na ito.
"Sumagot ka", pasigaw na sabi ng babae.
Parang natuyo ang lalamunan ko, hindi ako makapagsalita. Anak ng Tinapa, isa nanaman sa walang katapusang bangungot ko ito. Kahit paborito ko si Bruce Lee at madalas akong manood ng mga pelikula ni Jet Li, Jackie Chan, Dante Varona at Weng-Weng, nanigas ang buong katawan ko sa pagod. Parang antagal ng mga sandaling iyon, parang habangbuhay na takot sa kalagayan ko, andaming pumasok sa isip ko, gusto kong mag-ala ninja sabay sigaw ng Banzaiiiii. Gusto kong agawin ang baril, ipaling sa kaliwa o kanan, umiwas para kahit mapisil niya ang gatilyo maitulak ko siya sabay takbo. Pero lampa ako, aminado ako doon.
Kita ko sa mga mata ng babae ang panlilisik at kasiguruhan niya, sa mga mata niya nakikita ko na kaya niyang iputok ang shotgun ano mang oras. Isip-isip. Kailangan kong mag-isip ng mabilis. Hindi ako sasantuhin nito. Pero sumagi din sa isip ko na, eh ano kung iputok niya. Mas mabuti siguro iyon. Matatapos na ang paghihirap ko. Matatapos na ang bangungut na ito. Ang tagal kong natulala sa kaba at takot.
"Hindi ako nagbibiro, ipuputok ko ito! Sino ka?"
Sigaw ulit ng babae. Bumalik ako sa ulirat at tumitig sa kanyang mata. Infairness maganda siya. Maliit lang na babae pero kita mo na makinis. Natatakpan ng dumi at alikabok ang katawan niya, pero halata mong maputi at anak mayaman sa kanyang kutis na ikinukubli lang nag dumi.
" Masama ba siyang tao, Ate?", isang maliit na tinig ang narinig ko mula sa kanyang likod.
" Isa ba siya sa mga taga-sakop?", sumunod na nanaman ang maliit na boses na nagtanong.
Wow! Ayos, taga-sakop. Mukha ba akong alien. Saka sa patpatin kong ito, halatang di ako pinag United American Tiki-Tiki nung bata ako, eh kaya ko bang manakop. Kahit ata punso ng anay sa bakuran namin di ko magiba, manakop pa kaya ng Earth. Sus naman. Anak ng Tinapa.
"Papatayin niya ba tayo?", wika ulit nung isang bata sa likod ng chicks na ito.
"Hindi, tao siya. Wag kayong mag-alala kasama niyo ako". Sabay baba ng baril ng babae at saka tumalikod.
"Tara na alis na tayo mga bata, kailangan natin makabalik sa kampo", mabilis na naglakad palayo ang babae kasama ang dalawang bata na sa tantya ko ay kambal.
Anak ng tinapa. Kung kelan ka naman nakahinga ng maluwag saka ka mabwibwisit ng ganito.
"Hoy! Babae!" , hindi ko alam kung anong sumapi sa akin pero bigla akong nainis at napasigaw. Kung hindi ba naman tarantado itong babaeng ito. Matapos ako tutukan ng shotgun. Halos maihi ako sa pantalon, bigla akong lalayasan.
"Miss Teka, bingi ka ba?", hindi parin lumingon yung babae. Pero nakadungaw sakin ang dalawang bata habang hawak hawak sila ng babaeng may toyo na ito.
Sinubukan kong kumalma sandali at langhapin ang panibagong hangin na muntik mawala at di ko na malasahan kung ipinutok ng babaeng ito yung shotgun. Malayo layo narin sila ng nagkalakas ako ng loob, ewan siguro dahil galit parin ako at nanginginig sa kaba.
"Kung hindi ka naman bastos, matapos mong itutok sakin yang shotgun mo, halos maihi ako sa kaba sayo, eh kung nakalabit mo yan, patay na ako ngayon" Sigaw ko sa babae, na patuloy lang sa paglalakad.
"Hoy babae! Bastos ka talaga noh? Salamat ha!" 
Sa sobrang inis ko, naibato ko yung screw driver sa pinakamalapit na sasakyan sa harap ko, na siya namang bumasag sa salamin nito, at umalingawngaw ang malakas na tunog ng car alarm.
Tumigil ang babae na kumakaladkad sa dalawang chikiting. Pero hindi ito tumingin sa akin.
"Wala ka talagang alam sa mga nangyayari noh!", sabay pagmamadali niyang kinarga ang dalawang bata at tumakbo ng mabilis.
Teka, anong ginawa ko? Anong meron! Biglang umihip ang malakas at malamig na hangin. Nakakakilabot. Anak ng Tinapa. Dahil ba sa car alarm. Naknampucha.
"Kung gusto mong mabuhay, sumunod ka sa amin!", sigaw ng babae habang karga ang dalawang bata, papalayo at mabilis na tumatakbo.
"Teka!", ang tangi kong nasambit at naramdaman ko nalang ang sarili kong tumatakbo din kasunod nila.
(ITUTULOY....)

Jul 27, 2013

Puwan: Sa Gitna ng Liwanag at Dilim

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz




CHAPTER VI

Mabilis akong tumayo, papalapit sa bakal na pinto. Pinapakiramdaman ang bawat galaw sa labas. Papalayo na ang mga yabag at mga nilalang na kanina ay gumising sa akin.... Gusto kong sumigaw. Gusto kong tawagin sila ulit, pero natatakot ako. Madilim sa loob ng shop. At hindi ko alam kung anong nasa labas. Idinikit ko ang tenga sa salamin na nanunuot sa buto ang lamig, naghahanap ng senyales. Kahit ano, kahit ano na makakapagbigay buhay sa loob ko.
Pero hindi ko na matagalan ang pagkabalisa at pagkabaliw. Bahala na.... Kahit sino pa sila, mas ok na ito... Bahala na. Hindi ko na iisipin kung masamang tao sila, basta ang alam ko kelangan ko ng kasama. Hindi rin naman sila siguro monster. Kung halimaw sila malamang di sila magmamadali para di abutan ng buwan.
Mabilis kong binuksan ang pinaghirapan kong ilock na pinto, hindi ko alam, pero todo ang kabog ng dibdib ko. Kelangan ko sila abutan. Kelangan ko ng isang bagay na makapagpapaalala sakin na hindi pa ako baliw, na hindi pa ako nagiisa, na hindi panaginip ang lahat ng ito. Oo nga at nakausap ko na si Brando. Pero di padin ako mapalagay, mahirap iasa ang kapalaran ko sa boses na hindi ko alam kung totoo, sa taong di ko kilala, sa taong di ko alam kung nasaang lupalop.
Mabilis pa sa alaskwatro ang takbo ko sa hallway ng megamall. Dinaanan ang mga nakabukas paring mga tindahan. Bigla akong nagutom, pero titiisin ko muna. Saka baka expired na rin yung mga luto kahapon sa Jollibee at KFC. Gusto ko sanang mag elevator, mukhang mas mabilis sa escalator.
Hawak ko parin ang baseball bat at screwdriver habang patalon talon ng hakbang sa escalator.
"Tao po!!!! Asan na kayo?" 
"May tao ba rito! Asan kayo"
Mas lalong bumibilis ang kabog ng dibdib ko habang pababa ng pababa sa megamall... Dumating na ako sa ground na nagdudugtong sa Building A at Building B. Pero wala paring bakas ng buhay na nilalang. Palinga linga at paikot ikot ang ulo, pabilis ng pabilis, takbo rito takbo roon. Lingon dito, lingon doon. Pero wala padin.... Nakakaaning kanina yung katahimikan, ngayon naman nakadagdag pa sa ka-aningan yung tunog ng maliit na arcade na natapatan ko. Parang tanga na tumutugtog ang dance dance revo at mga boses ng games ng karera.
Pero mula sa nakakabaliw na sitwasyon, isang malakas na kalabog ang pumunit sa nauurat kong isipan. Isang pinto sa may bandang CR ang sumarado. Papunta sa kung saan na hindi ko alam. Anak ng tinapa. Umaga pa diba? Naglabasan na kaya ang mga halimaw. Pero diba sa Pulang Buwan pa sila masagana ang powers, yun ay kung tama ang hula ko at intindi ko sa mga pahayaw na babala ni Brando.
Kahit kakaba kaba agad kong tinungo ang pinanggalingan ng tunog. Isang malaking pinto sa tabi ng CR ang nakita kong lumalangitngit. Sa taas nito nakasulat ang fire exit. Maliwanag naman sa kabila ng pinto. Pero kung ipipinta ang mukha ko at kabog ng dibdib ko malamang sa malamang, abstract at hindi maintindihan. Kukulangin ang pintura ni Picasso o ni Michael Angelo, sa iba ibang emosyon na aking nararamdaman.
Dahan dahan at maingat kong pinasok ang pinto. Sa loob nito isa nanamang nakakabinging katahimikan. Kahit ang paghinga ko ay pigil sa mga bawat hakbang na aking ginagawa. Nampucha talaga, kelan ba matatapos ang bangungutot na ito.
Mahaba ang pasilyo ng fire exit na iyon. Isa, dalawa, tatlo. Nakatatlong liko na ako pero wala parin akong nakikita. Puro Fire extinguisher lang at mga neon signs ng arrow kung saan ka dapat pupunta kapag may nogsu. Mabilis na ang aking lakad ngayon. Hawak ang bat at screwdriver, handa na ako sa mga bawat hakbang at sa kung ano pa naman ang darating.
Malapit na ako sa labasan. Unti unti nang nawawala ang kaba ko, baka nga naman hangin lang yun. Letche naman talaga oh, saan na kaya napunta yung mga nilalang na kanina ay hinahabol ko. Kumakalam na ang sikmura ko. Pero tinatamad na akong bumalik. Malapit na ako sa labasan. Tanaw ko na ang pinto palabas. Bahala na. Kung EDSA man ang labas nito, o kung saang lupalop. Ayoko na manatili pa dito.
Anak ng Tinapa, umuwi kaya muna ako. Baka sa daan makakita ako ng tao. Anak ng tinapa ulit. Wala nga palang byahe ng LRT. Wala na nga rin palang drayber ng jeep o traysikel. Kahit taxi payag ako magbayad ng hindi de metro. Pero anak ng tinapa nga naman, wala nang tao. Putek, bakit hindi ko ba naisipan magaral magmaneho. Anak ng tinapa naman oh.... Kung kelan isang paradise ang edsa na walang kasabay na sasakyan, at isang Utopia sa mga carnapper ang Pinas dahil sa dami ng sasakyang pwedeng madekwat at ipa-chopchop.
"Sino Ka? Sagot"
Nakatutok sa mukha ko at kita ko ang dalawang barrel ng shotgun na nakatapat sa aking noo, ang bumungad sa aking sa pagbukas ko ng pinto...
Sa dulo, ang may hawak ng gatilyo. Isang babae. Sa likod nito dalawang batang takot na nagtatago sa kanyang mga hita.
Anak ng tinapa....
(ITUTULOY)

Jun 18, 2012

Puwan: Sa Loob ng Bermuda

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz





V

Minulat ko ang aking mga mata at nakita ko si April sa aking tabi. Wala na ako sa loob ng maliit at madilim na tattoo shop. Inikot ko ang aking mga paningin at natagpuan ang sarili sa isang pamilyar na lugar. Tama oo eto nga, nasa Bermuda Motel ako. Yung motel sa may shaw boulevard sa likod ng ginagawang condo ng CityLand. Sa gilid ng paradahan ng jip sa tabi ng Lancaster Suite. Kasama si April, dito kung saan unang nangyari ang lahat.

Madilim at ang tanging ilaw lang ay ang naiwanang bukas na TV na wala nading palabas. Hinanap ko ang remote, nasa tabi ko, nakatali sa lamesang maliit. Pinatay ko ang TV at binuksan ang lampshade na nakapatong sa maliit na lamesa sa aking kaliwa. Mas lumiwanag ang paligid, ibinalik ko ang tingin ko kay April. Maaliwalas at napaka-ganda ng kanyang mukha. Nakalugay ang buhok na bahagyang tumatakip sa kanyang malulusog na dibdib. Muli kong iginala ang aking mga mata, tama ito nga, hindi ako nagkakamali, nandito nga ulit ako sa lugar na ito. Nasa aming mga paanan ang mga bag, sa sahig nakakalat ang aming mga damit, kasama ang aking necktie at longsleeves na pampasok sa opisina.

Huminga ako ng malalim, napatitig sa kisame na puno ng salamin, inikot muli ang aking paningin sa mga pader na nakapalibot sa amin na siya ring nababalutan ng salamin.

"salamat, salamat" ang mga unang salitang sinabi ko.
Huminga muli ako ng malalim saka ibinalik ang tingin sa kanya. Sa maliwanag na ilaw ng lampshade mas lalo kong nakita ang kagandahan ng kanyang maamo na mukha. Napabuntong hininga muli ako. Isang ngiti ang namutawi sa aking bibig. Nandito muli ako kung saan kami unang nagniig ni April.

"Gusto mo, i-try?"
"Ah, eh... OO siguro...", sagot ko sa tanong ni April habang kausap ko siya sa telepono.

"Ikaw gusto mo ba?", ang tanging nasabi ko matapos ang ilang segundong katahimikan.

"OK lang.... Matagal-tagal narin nung huli ko. Eh Ikaw, kelan yung huli mo?", natatawang tanong niya.

"Wala, Wala pa....."

"Ows, seryoso? Wag mo nga akong niloloko?" Hindi nga, don't tell me walang nangyari sa iyo ni Trina?"

Napatigil ako sa mga sinabi niyang iyon, hindi ko masabi kung meron nga o wala, ang totoo hindi ko rin masagot dahil hindi ako sanay na pagusapan ang mga bagay na ganito, lalo na at kaibigan niya ang pinag-uusapan namin. Hindi rin ako at ease, hindi rin naman ako kiss and tell.
"Meron kaming intimate moments pero hanggang dun lang"

"What do you mean intimate moments?"

"Alam mo na yun, kiss, touch, Blow Jobs..... pero  yung.....", natigilan ako sa mga sandaling iyon.

"Pero.... yung ...... ok I get it, just foreplays"

"OO yun lang, hindi ko kaya... takot ako.... pero...."

"Pero ano?" tanong ni April

Sa mga sandaling iyon kahit hindi ako at ease sa mga pinaguusapan namin, sumipa kahit papaano ang ego at pride narin ng pagkalalaki ko, ayaw ko naman isipin ng kausap ko na mahina ako at di ako sanay, kayat kahit feeling ko hindi appropriate ay sinabi ko nadin.

"Pero we do, anal"

"OMG! Hindi nga, thats so adventurous... As in?  May  pagka-wild din pala kayo.... Parang di ko kaya yan. Ok na ako sa ForePlay" sabay tawa niya.


"OO hanggang ganun lang kami, gaya nga ng sinabi, takot ako. Kahit alam kong gusto din niya. Di ko kaya. sinubukan namin minsan, pero di ko talaga kaya. Masyadong malaki ang tiwala sakin ng mga magulang ni Trina. Ayaw ko masira yun, saka mahirap na baka madisgrasya."

"So ano, tuloy ba tayo?"


Bumalik ang aking ulirat sa loob ng Bermuda. Pinikit ko ang aking mga mata. umaasa na sa pagmulat ko siya parin ang aking makikita, sana sana hindi panaginip ito. Sana yung mga tagpo sa loob ng tattoo shop yung panaginip, yung tagpo na gumising ako sa loob ng sinehan at wala nang tao yung hindi totoo. yung nag-iisa lang ako at takot sa mangyayari yung guni-guni. Sa aking pagmulat nakita ko ulit si April sa aking tabi. Pero paano, panaginip lang ba yung lahat, yung sa mall, sa kalsada, si brando. Maari bang natuloy kaming nagkita sa megamall at nanaginip lang ako sa aming pagkakahimbing. Pero bakit parang bumalik ako sa unang tagpo sa kwartong iyon. Mula sa sahig nakita ko ang damit ni April. Yung gold na blouse na may lace, parehos sa kung ano yung suot niya nung una kaming pumunta dito. Yung brown na mini skirt. Yung longslibs kong asul at yung jacket kong jeans. yung butas kong brief na Jiordano na immitation galing sa divisoria. Hindi ko na alam kung ano ang totoo, hindi ko na alam kung ano ang hindi. Lumapit ako sa kanya at hinalikan ang kanyang noo. Oh kay tamis ng sandaling iyon, ang bango ng kanyang buhok, sumasakal sa aking damdamin.
Ayaw ko nang mawala sa sandaling iyon. Ayaw ko nang pakawalan ang mga sandaling muli ko siyang nakita. Ilang buwan na nga ba? nung huli siyang nagparamdam. Binura na niya ako sa paysbuk, friendster at yahoo messenger. Hindi nagpaparamdam at madalas out of reach ang telepono. Pero ito siya ngayon, kasama ko ulit. Pero parang may mali.

Sa pagtapat ng aming mga mata pagkatapos ng mahabang halik na inilapat ko sa kanyang noo.. Nagtapat ang aming mga mukha at nakita ko siyang nakatitig sa akin. Blanko, blanko ang mga mata niya. Parang nakatitig sa kawalan. Nang bigla nalang umalog ang buong paligid. Nataranta ako at napa-upo sa kama. Ngunit walang bakas ng pagkabigla sa kanya, nakahiga padin at nakatingin sa kawalan. Umiikot, yumuyugyog ang paligid.

Blag... blag... blag!!! Malalakas na yabog at katok sa pinto.

Blag.... blag.... blag.... Lumalakas ang lindol.... unti unting lumiliit ang kinalalagyan kong iyon. Nakakatakot. Lumingon ako sa kanya muli. Pero isang anino nalang ang aking nakita.
Nanlilisik ang mga pulang mata. At parang isang usok umangat sa hangin, parang isang ipo-ipo na mas lalong sumisikil sa lumiliit na kwarto ng bermuda. Paliit ng paliit, ang buong paligid, binabalutan ng kaniya'y wangis ni April ngunit ngayon ay madilim na usok na bumabalot sa akin.

Blag... Blag.... Blag.... Papalakas na katok sa pinto.

Blag.. Blag.. Blag... Ipinikit ko ang aking mga mata upang takasan ang mga pangyayari. Sa aking pagmulat... Naghahabol ako ng hininga...


Blag... Blag... Blag.... Nasumpungan ko ang aking sarili sa loob muli ng madilim na tattoo shop.

"Hayaan mo na yan", isang malakas na boses ang nagpagalaw sa akin mula sa kinahihigaan.Tumigil ang
ingay sa labas.

"Tara na, alis na tayo. baka abutan pa tayo ng Buwan dito", at tanging mga yabag nalang papalayo ang narinig ko mula sa labas.

ITUTULOY......

Jun 17, 2012

Puwan: Alaala ng 3310

Puwan
a Mini Novel

by Hedel Cruz


IV

Sabi nila kapag malapit nang dumating yung oras na malapit ka nang makipag-batian ng goodbye mother earth at makipag-apir kay kamatayan, dito mo mararanasan yung parang instant flashback sa mga bagay na nangyari sa buhay mo. Yung mga bagay na masasaya at malulungkot, yung mga tagpo at mga taong mahahalaga at importante sa iyo. Kahapon gumising ako sa loob ng sinehan, sa aking paglabas wala na ang mga tao. Nabuhayan ako ng loob nang makausap ko si Brando. Pero ito ako ngayon nasa loob ng maliit at madilim na tattoo shop sa loob ng megamall. Mag-isa, takot at wala pading alam.

Sa loob ng tattoo shop , unti-unting nagiging malinaw ang lahat, hindi lahat actually pero at least yung kalagayan ko, malinaw kahit papaano. Unti-unting nagsi-sink-in ang mga tagpo, pero wala pading kasing labo ang haharapin ko ngayon, mamaya, bukas at sa susunod pang mga araw, buwan o kung mamalasin taon. 

Nakakabingi ang katahimikan sa loob ng kinalalagyan ko, kahit pinatay ko na ang aircon sa loob ng shop, malamig padin. Nakakakilabot ang katahimikan at ang lamig. Nanunuot sa aking mga buto at kaluluwa. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa baseballbat na naharbat sa sportshop, abot kamay sa gilid ang screw driver. Handa sa anumang maaring mangyari.

Sa aking pagiisa sinusubukan kong magpakatatag at intindihin ang mga nangyayari, kahit sa loob ko blanko. Pinipilit kong unawain kahit sa utak ko alam kong walang patutunguhan. Walang tagumpay. Takot at pangamba ay bumabalot na parang sapot ng gagamba sa kawawang gamugamo na nagkamaling dumikit. OO ako yung gamo-gamo yung sapot ang kinalalagyan ko ngayon, at yung gagamba yung kahaharapin ko. Sa sulok na yun bumabalik ang mga alaala, nang kahapon bago pa ako masadlak sa kalagayang ito. 

Gumising ako ng alas syete ng umaga, sabado. Nagtimpla ng kape at nagluto ng oatmeal. Habang nagmumuni muni sa kusina at pinaplano ang mga gagawin sa araw na iyon, tulad ng paano ko lalabhan ang dalawang linggong maduming damit, saan ako mananaghalian at anong magandang palabas sa sine ngayon, tumunog ang aking celphone na nokia 3310. 1 message recieved, si April. Gusto kong basahin yung mensahe, pero pinagpaliban ko. Ano nanaman kaya ang kailangan nito, kay tagal di nagparamdam tapos bigla bigla nalang. Nanood ako ng BenTen at sinimulan na ang paglalaba. Kung alam ko lang na magkakaganito ang mundo, hindi na sana ako naglaba, puro ukay ukay lang ang damit ko, ngayong nasa mall ako at walang tao, kahit yung pinakamahal na damit pwede ko masuot. Alas dose na nang matapos ako maglaba. Nagpahinga ako saglit at muling tinignan ang cellphone ko. Nandoon padin ang mensahe ni APril na hindi ko padin binabasa.

"Kailangan nating mag-usap. 7pm sa Megamall sa dating tagpuan. Importante" 

Hindi parin siya nagbabago, ganun talaga si April. Diretso walang paligoy ligoy. Walang checheburetche. Kung ano ang gusto niya yun ang sinasabi niya. Hindi ako nagreply pero sigurado akong alam ni APril na pupunta ako. Madalas puro biro siya, pero pag ganitong seryoso ang text niya, alam niyang di ko siya matitiis. Pero bakit ngayon? ANo kayang meron, hindi naman ako nagtataka, ganun talaga siya, minsan nasa mood, minsan wala. Minsan maririndi ka sa kanya sa sobrang dalas ng pangungulit pero madalas ding mawawala nalang parang bula at di magpaparamdam. Tapos pabigla-bigla magyaya ng lakad. 

Naligo at naghanda na para gumala, maghanap ng makakainan bago dumiretso sa megamall. Ala-una na nang makarating ako sa bulaluhan sa bayan, dito ako madalas kumain kapag tinatamad ako magluto. ANg totoo oatmeal at prito lang ang alam kong iluto, kaya heaven na sa akin ang makakain ng masarap na lutong bahay. Magsimula kasi nung magkolehiyo ako umalis na ako sa bahay ng aking mga magulang, tumira malapit sa aking pamantasan. Sa may bustillos, sa may san anton na laging binabaha kapag umuulan. Doon ko unang naranasan mabuhay mag-isa. Sa kolehiyo ko din unang nakilala si April. Isa siya sa mga officer ng isang school org, mas matanda siya sa akin. First year ko nuon at siya Second Year na. Hindi ko alam paano nagsimula, pero ang totoo hindi ko sya napapansin noon, tamang tropa lang. Ilag ako sa kanya, una dahil mas matanda siya, officer siya ng org at higit sa lahat napakatangkad niya at malaking bulas para sa isang babae. Ang totoo yung kasamahan niya sa org yung gusto ko, si Danica. Pero magulo ata ang mundo at maraming hindi mo inaasahan, ang naging girlfriend ko ay yung klasmeyt ni April. Nagtagal din kami ng ilang taon pero nawala din. Sa mga panahon ng depression at pangungulila sa nasugatan at pira-pirasong puso, muli kaming nagtagpo ni APril.

Nagpapasalamat ako sa facebook, dahil doon nagkita ulit kami, nagpapasalamat din ako sa bagong kabit na wireless telephone sa bahay kaya napadalas ang aming kwentuhan, Nagpasalamat ako sa muli naming pagkikita at umipekto na ang puberty sa akin, naging magkasing tangkad kami at lumaki kahit papaano ang mga muscles ko at pangangatawan. Pero hindi naging kami, parang ganoon na hindi, magulo ang set-up, kasing gulo ng kinalalagyan ko ngayon.

Nasaan na kaya si April, nasaan na kaya siya, kahapon sabi niya magkikita kami sa megamall, pero hindi siya dumating, kasama na ba siya sa mga taong nawala? O baka isa siya sa nakaligtas. Nasaan na kaya ang mga magulang ko? Nasaan na yung dalawa kong kapatid? Nasaan na yung mga kaibigan ko? Yung mga ka-trabaho ko? Yung mga nambully sa akin nung hayskul? Yung mga nanakit sa puso ko? Yung mga kaaway ko, yung mga galit sa akin? Yung mga nasaktan at niloko ko? Kahit sino, hindi na ako magiging mapili, sana kahit sino, may natira pang kakilala ko. Ano yung sasabihin sakin ni April? Paano ko tatakasan ang bangungot na ito. Sana nga bangungut nalang. Sana matapos na ito. 

Nasa tirik na ang pulang buwan, ilang sandali nalang... Ilang sandali nalang..... Mas napahigpit ang hawak ko sa baseballbat. Handa ako sa mga mangyayari, pero sa mga oras na iyon parang hindi ko napaghandaan lahat ng sumagi sa isip ko, wala akong magawa sa sitwasyon ko ngayon. Wala din akong magawa para sa mga taong mahal ko. Nasaan na sila.... Hindi ko alam. Nasaan ako? Dito sa madilim na sulok, Handa na ako.... Handa na ako.... Handa na ako.... Handa na ako...

(ITUTULOY)



Jun 4, 2012

40 MGA BAGAY NA GUSTO KONG MAKITA AT MARANASAN BAGO MAMATAY. (UPDATED)

40 MGA BAGAY NA GUSTO KONG MAKITA AT MARANASAN BAGO MAMATAY. 



(Sinulat taong 2008. As of today Number 18, 24, 25, 28, 35. Palang ang nangyayari. 5 out of 40. Not bad)

Panimula: Ilang beses na akong nagkakaroon ng Bangungot o yung mga tinatawag na “NIGHTMARES” nitong mga nakaraang araw. Marahil dahil sa pagod. Ang totoo , ilang buwan narin akong at pinapahirapan ng aking INSOMNIA. Halos lampas isang taon na ng lumala ang insomnia ko Marahil bunsod ito ng mga pagyayaring nakakapagpabagabag sa aking diwa at isipan. Mula noon hindi na ako makatulog ng maayos sa gabi. Swerte na kung nasa 3 o 4 na oras ang tulog ko. Minsan swerte akong nakakahimbing sa hapon, minsan sa gabi. Ngunit tuwing ako ay papalaring makatulog. Ako naman ay binabangungot. Bangungot na hindi mayroong mga halimaw at dragon, o mga impakta sa banga at kagubatan kundi yun pakiramdam na hindi ako makagalaw at makahinga, kahit bukas ang iyong diwa at nakikita mo ang mga bagay sa paligid. Minsan na akong binangungot noung ako ay nasa kolehiyo, nakita ko ang isang liwanag. May tumatawag sa akin. Papalapit na ko dito, ngunit naalala ko ang aking mga mahal sa buhay. Kayat pilit kong ibinalik ang sarili sa mundo. Hindi ka man maniwala, pakiramdam ko namatay ako nuon at nagbalik. Ngayon, muling bumabalik ang boses at ang liwanag. Iniisip ko, marahil isang araw. Hindi ko na kayanin at akayin nako nito. Kayat bago ang lahat, bago ito maisakatuparan (wag nman sana). Ito ang mga bagay na nais kong matupad bago ako muling makipag-batian ng “hi” at “hello” sa liwanag at makipag-apir kay kamatayan.



1. Maipagpatayo ko ng Mansyon sila Ama at Ina.

2. Makita ang loob ng MALAKANYANG

3. Makipagreunion sa Elementarya at Hayskul, at sapakin ang mga dating nam-bully sa akin.

4. Gayahin ang buhok ni Rey Valera o kaya kay Ka Feddie Aguilar.

5. Makita ang Batanes

6. Humaba ang balbas at gumanap na Hudas sa Semana Santa

7. Makapunta sa New Zeland

8. MAKAPAG-ASAWA.

9. Humingi ng Authograph kay Pepe Smith (may kasama pang picture)

10. Makitang may Disneyland narin sa Pilipinas

11. Matapos ang ginagawa kong Libro. (serious book ito, naniniwala ka?)

12. Matalo si Pacquiao ng boksingerong hindi taga Mexico, kundi ng isang taga Zimbabwe

13. Makita ang mga Ex-girlfriend ko. Humingi ng sorry at mag pasalamat.

14. Magkaroon ng 6 na anak. (girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy)

15. Lumuwag ang MRT

16. Magkaroon ng extensive at maayos na railway system sa Pinas.

17. Makita ang sarili sa lahat Pahayagan (meron na ako sa Manila Bulletin, Pangalan nga lang : Sa Phil. Star, may kasamang picture, Article pa ni Tim Yap.. hehe

18. May Makahuli si Osama Bin Laden

19. Magkaroon ng asong hindi mamatay pag tungtong ng ikalawang taon (dedbol lagi si bantay) 
malas ata ako sa asong askal eh Sino may pure breed? Penge?

20. Magkaroon ng mall sa Payatas.

21. Pumayat (para naman gwapo ko sa loob ng kabaong)

22. Makasayaw ulit sa Cultural Center of the Philippines

23. Makaupo sa Lap ni Santa Clause

24. Masimento ang kalsada samin

25. Malamang may isang tao sa mundong nakakaintindi sa utak ko

26. Magkaroon ng BEST FRIEND (na girl)

27. Makasakay sa Titanic

28. Maglaro parang bata.

29. Humiga sa damuhan habang nakatingala sa mga butuin habang kasama ang minamahal

30. Makapag aral ng Abugasya (sana magkapera, ang mahal eh)

31. Makatikim ng buko Pie sa itaas ng MT. Makiling.
32. Lumabas sa pelikula (kahit extra)

33. Makakita ng Pagong (si Pong.

34. Gumawa ng Pelikula.

35. Makapasok sa Araneta Coliseum

36. Manalo sa Palanca o kahit anung Patimpalak sa Pagsulat

37. Makasakay sa Ambulansya, may Wang Wang

38. Makita ang kaibigang si Kristine Rivera at si Kahlil Mora 

39. Makitang Malinis ang Ilog Pasig. Makalanggoy at magtampisaw dito.

40. Higit sa lahat maniwala kang seryoso akong tao.



Jun 2, 2012

5 Things You Should Know About Me

5 Things You Should Know About Me


5 alituntunin sa bahay na dapat sundin para di ako magalit.

Una, dapat lagi may lamang tubig ang ref.
(kaya ko hndi kumain ng 1 buwan pero pag walang tubig, magtago ka na)

Pangalawa, Bawal makalat.
(allergic ako sa dumi at alikabok, OCD ako pag-makalat)

Pangatlo, Magpaalam pag hihiram ng aking gamit 

(kung ayaw mo mging incredible hulk ako)


Pang-apat, Bawal galawin ang aking mga libro.
(nagsawa na ako sa mga humihiram tapos ibabalik ng lukot o may tupi, libro ang isa sa mga pinaka-mahalaga sakin, kung gusto mo makibasa bumili ka, para naman kumita ang book industry)

Pang-lima at pinaka-dapat sundin, Lahat ng pagkain sa ref pwd mo kainin, kahit ubusin mo pa lahat ok lang. Pati beer at alak. Kahit magtake-out ka pa, iluto mo lahat ng gusto mo iluto, kahit magpyesta ka pa! Basta WAG NA WAG NA WAG mo lang gagalawin ang YOGURT KO! 
(kung ayaw mo ng World War 3)



Jun 1, 2012

Puwan: Give it to me Baybeh.... I'm Ready

Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz



III


Kung minamalas ka nga naman, ang dami daming shit na mangyayari sa buhay mo. Eto na yata yung pinaka rurok. Gumising ako sa loob ng sinehan tapos wala na ang sang-katauhan, tapos eto ngayon. Nung nalaman kong may tao pa, si Brando. Nalow-bat naman itong Iphone na may Hello Kitty.

Mabilis akong bumalik ng mall, malamig na ang hangin. Kita ko sa labas na unti unti nang nagiging pula ang kapaligiran. Maliwanag pero kulay pula ang lahat. Eto na ba yung sinasabi ni Brando? Maliwanag din ang buong mall. Parang normal lang ang lahat, maliban nalang sa kawalan ng nilalang. Dumaan ako sa mga tindahan ng pagkain, wala na ang tubig na kanina ay pumatay sa natustang donut, fried chicken at french fries. Kumuha ako ng tatlong tiramisu sa KFC, tatlong whooper sa burger king at limang kanin sa Jollibee. Ewan, parang panaginip, siguro marami sa atin ang nangangarap na ma-trap sa mall, free for all nga naman, ang sarap gumala sa mall na ikaw lang mag-isa tapos libre lahat. Pakiramdam ko ako si invisible man tapos pwede ako pumunta kahit saang sulok ng mall na walang nakakaalam. Nakabukas ang bawat tindahan. Ako lang mag-isa, pwede kong gawin ang lahat ng gusto ko. Nakakalungkot dahil hindi ako si invisible man at wala akong kasama dito. Creepy. Grabe.


Habang naglilibot sa mall, lumamig lalo ang hangin, hindi ko alam kung dahil sa nakabukas na aircon o ito na yung sinasabi ni brando na hindi ko dapat abutan. Kinabahan ako at dali-daling naghanap ng madilim na lugar. Bakit madilim na lugar? Totoo kayang mas ligtas ako sa madilim na lugar. Heavy, kakaiba, kung sa mga tipikal na napapanood ko sa TV mas ligtas yung tao mula sa mga aswang, kapre, tikbalang at vampire na kumikintab sa maliwanag na lugar at umaatake lang ang kalaban pag mag-isa ka sa madilim, eto ang labo. Kabaliktaran. Anak ng tinapa, nakaka-aning na talaga. Tumatakbvo ako sa hindi ko alam, nagtatago ako sa hindi ko alam, at ang lahat ng pangyayari hindi ko alam. Parang pag-ibig, shet. Parang pag-ibig na hindi mo alam kung saan ka lulugar, labanan ng liwanag at dilim, yung tipong nasa twilightzone ka ng panliligaw, hindi mo alam kung may aabutan kang liwanag na magbibigay ng matamis na oo ng iyong sinisinta, o madilim na rejection.


Kailangan sa madilim ako, sa madilim ako magtago. Paulit ulit kong sinasambit sa utak ko hanbang nagmamadali na maghanap nito. 

Eh kung sa carpark kaya, madilim dun. Pero panu kung may dalang ilaw yung kung sino man yun. 

Eh kung sa sinehan kaya? Dun naman ako nanggaling dati, kung lumipas ang mga panahon na tulog ako habang nangyayari ang lahat ng kababalaghan, tapos ligtas naman akong nakalabas, baka pwede na. Pero paano kung matalino yung mga kalaban at binuksan nila ang ilaw, sa lawak ng sinehan, nakakahingal tumakbo. 

Eh kung sa CR kaya? tapos lock ko nalang yung pinto? Pero nakakabagot dun, panu kung may mumu? Baka una pa akong mamatay sa atake sa puso kapag may lumabas na bata na malaki tyan, itim ang mata at gumagapang na parang si sadako.

Kailangan ko nang mag-isip agad, kailangan kong magtago. Pero gusto ko din makita ang mga mangyayari, ano ba yung sinasabi ni Brando. Sino ba yung mga kalaban. Kailangan ko ng isang lugar na madilim at sarado. Pero madali para makita ko ang mga mangyayari kapag tumirik na ang buwan sa pinaka-itaas. Ano ba ang mangyayari? Sino sila? Ano sila? Bakit sila? Bakit ako? Bakit ako pa ang napunta sa katauyan na ito. 

Habang naghahanap ng madilim na lugar, napadaan ako sa isang sports shop. Ayus ayun may baseball bat. Mahina man ako, pero makakatulong ito. Baka sakali. Dumaan din ako sa hardware. Naghanap ng screwdriver, baka makatulong din. Habang nasa tapat ng isang estante. Ayos. Sakto. Bright Idea. Sana. Sana. 

Isang maliit na tindahan na may salamin at matibay na bakal na pinto na tumutupi at bumababa galing sa taas ang pinasukan ko. Madilim ang loob ng tindahan. Patay ang ilaw pero halatang sinadya, maliliit na ilaw lang mula sa mga make-shift lamp na may artsy arsty design. Sgiuro dahil narin sa kanilang tinitinda. Na binagay nila sa aura ng tindahan. Black. Puro itim na damit. Itim na Pantalon. Itim na plaka ng motor, itim na upuan. Sakto. Kahit hindi ako fan ng mga ganito. Promise, kapag natapos na lahat ng kababalaghan na ito. Pagpapagawa ako nito. Salamat nalang at may tattoo shop dito.


Ibinbaba ko ang bakal na pinto. At saka ikinandado gamit ang mga heavy duty padlock na naharbat ko sa hardware kanina. Nang oks na ang lahat hinarang ko yung nagasabit ako ng mga tindang damit at mga pictures ng tattoo sa salamin sinugurado ko na walang puwang para di makapasok yung ilaw galing sa labas. pinatay ko ang ilaw mula sa loob, nilagyan ng SORRY WE'RE CLOSE sa salamin. Para sure. Di takaw pansin. Di ako lalapitan ng mga kalaban kung sino man sila, baka alam naman nila magbasa. 

Madilim ang buong paligid. Hininga ko lang ang naririnig ko, tahimik sa loob ng tattoo shop. Humiga ako sa likod ng cashier. Dito ako maghihintay. Dito kung saan di umaabot ang liwanag. Eto na malalaman ko na, ano ba ang kinakataukan ni Brando. Ano ba? Sino ba ang mga kalaban. Hihintayin ko ang partirik ng buwan sa pinakamataas. Hihintayin ko. Hawak ang baseball bat nagdasal ako ng mga limang beses. Handa na ako. Handa na ako. Handa na akong malaman kung ano. Sino. Maghihintay ako...

Teka, shit. Nakalimutan ko kumuha ng charger. Anak ng Tinapa! Lecheng Hello Kitty talaga.

(ITUTULOY)

May 31, 2012

Puwan: Lecheng Hello Kitty

Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz


II


Sino ito? Sino ka? Anong nangyare?
Makinig ka, hindi ko masasagot ang lahat ng mga katanungan mo, kahit ako hindi ko alam kung ano ang nangyari, basta bigla nalang naganap ang lahat, nangyari ang lahat pagkatapos nung malakas na dagundong. Ang alam ko lang, nanganganib ang buhay nating lahat. Nasaan ka? Pabulong na sambit ng tao sa kabilang telepono.

Hawak ang Iphone na Pink na may Hello Kitty,... Natulala ako at Tumagaktak ang pawis sa aking mga noo, nang marinig ko yung huling sinabi nung nasa kabilang linya. Malakas na Dagundong? Yun din ba yung narinig ko bago ako mawalan ng malay sa loob ng sinehan? Ano yun? Nanganganib tayong lahat? Kanino? Saan? Bakit? Parang natuyuan ako ng laway at nagsimulang manlamig ang aking buong katawan.

Hello, Hello? Nasaan ka? Kailangan mong mag-ingat. Nasaan ka?, ulit ng boses sa kabilang linya.
Bumalik ako sa ulirat, napatingin sa paligid, umihip ang malamig na hangin. Papalubog na ang araw, nawala sa kalangitan pero hindi dumidilim. Maliwanag, maliwanag parin. Napatingin ako sa itaas, Nangilabot ako sa kulay ng langit, ang kanina'y matingkad na kulay asul ay unti-unting nagiging kulay pula.

"Nasaan ka!!! Kung gusto mong mabuhay kailangan nating magtulungan. Hindi namin alam kung sino pa at ilan pa ang natitirang gaya natin, pero lalaban tayo", ngayon ay pasigaw na ang tinig ng nasa telepono.
Lalaban? Kanino? Dumating na nga ba ang alien? At kunuha o ginawang alikabok na ang sang-katauhan? Anak ng Tipaklong, parang mas gugustuhin ko pang isa ako sa mga nawala, mas matatanggap ko pa ata na gawin akong eksperiment ng alien kesa mamatay sa takot at sa lakas ng kabog ng dibdib ko, kesa ako yung natira tapos may mga sinasabi pa itong kung sino man ito na lalabanan. Kung sa PE class nga namin pasang-awa lang ako, sa labanan pa, anong magagwa ko? Buti sana kung spelling bee yung format ng laban, o kaya crossword puzzle o sodoku. Malaki ang chance ko. Anak ng Tinapa. Lumalamig na.

Nasaan ka?

Ikaw? nasaan ka? Paano ko masisigurado na mapagkakatiwalaan kita, eh ayaw mo nga sabihin sakin kung anong nangyayari!

Ilang sandali na walang salita na lumabas sa aming dalawa. Hinga lang ang naririnig sa magkabilang linya. Ilang segundo pa, nagsalita din siya.

Ako si Brando. malumanay niyang sambit.

Ampucha naman, ang liit ng boses niya, kanina ko pa siya kausap, akala ko nung una babae o isang obit na nagbibinata dahil sa tinis ng tunog, tapos brando pangalan. di kaya pinaglololoko talaga ako nito, Ampucha. no choice, kesa naman mag-isa kong harapin ang kabaliwan na ito. Mas ok na mag-take ng risk. Mas okey na ito, ang totoo nabuhayan ako ng loob nang marinig ko na may iba pang buhay na tao, hindi ako mag-isa. Pero natatakot na talaga ako. Sino o ano ang sinasabi niyang kalaban? MMDA? Militar? NPA? Alien? CIA? Monsters? Bigfoot? Anak ng palaka, nakaka-aning na talaga ito.

Malapit na ang Gabi! kailangan mong umalis diyan. Pumasok ka sa mall, magtago ka.
Wala nang araw, pero hindi naman dumidilim. Hindi ko masabi kung gabi na talaga. Puro kulay pula lang ang nakikita ko sa kalangitan. Mula sa malayo nakikita ko ang buwan, may kakaiba sa buwan, medyo mas mailaw siya ngayon, mas matingkad. Mas malaki at mas maliwanag. Kulay Pula din.

Hindi ka dapat maabutan ng buwan. Kailangan mong magtago., may bahid na ng pagkabalisa ang boses ng nasa kabilang linya. Pumasok ka ulit ng mall, maghanap ka ng madilim na lugar, at wag kang aalis kung, hanggat di pa sumisikat ang araw bukas.

Teka, teka, pwede bang bigyan mo ako ng kahit kaunting ideya kung ano ang nangyayari, mangyayari o yung sinasabi mong kalaban na haharapin.

Kailangan mo nang umalis diya sa kalsada, bilisan mo.

Kahit nagtataka at alangan, kusang gumalaw ang mga paa ko pabalik sa loob ng mall, tangan ang iphone na Pink na may Hello Kitty habang kausap si Brando.

Wag na wag kang lalabas, kahit ano ang marinig mo, Lumalabas hindi ka dapat abutan ng liwanag ng tirik na ang bilog na buwan sa kalangitan. Wag kang maniwala, sa mga sinasabi ng mga tunog sa iyo.
Sinong sila? Sinong sila?

Lumabas ka lang kapag mainit na, kapag ramdam mo nang sumikat na ang araw. Wag kang gagawa ng kahit ano mang tu........

tooot... tooot....

Anak ng Tinapa, lowbat ang iphone na pink na may Hello Kitty.

(ITUTULOY)

May 30, 2012

Puwan : Ang Unang Tagpo

Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz


I


Madalas ako manuod mag-isa, ng sine. Pakiramdam ko kasi wala nang mas sasarap pa kundi sa panunuod ng sine mag-isa, wala kang kaibigan na mayat maya ay hihingi ng popcorn o french fries sa iyo. Wala kang kasama na magtatakip ng mata pag nandyan na yung killer, tapos magngungulit kung ano ang nangyari. Masarap manuod ng sine, kahit mag-isa ka lang at walang kasama gaya ng ibang mga kasabay mo. Bukod sa sineng palabas, masaya ding panuodin ang ibang tao sa kung ano anong ginagawa nila. May naghahalikan, nagkikilitiian, nagtatawanan, nagkakainan (ng pagkain), at naglalambingan. Higit sa lahat mas tutok ako sa panunuod, mas naiintindihan ko yung kwento. 

Hindi naman dahil sa loner ako, nanunuod din ako kasama ng mga kaibigan ko. Pero pag yung tipong gustong-gusto ko na palabas, ayaw ko ng may kasama. Gusto ko focused lang ako sa pinapanuod. Alas 10 ng gabi. Last full show. Pumunta ako sa pinakamalapit na tambayan ng lahat at pinagkukunan ni Henry Sy. Konti nalang ang tao mga dalawampu siguro, hindi nakapagtataka dahil hindi sikat ang mga bida, drama/environmental/dokyu ang palabas, na malamang kahit magyaya ako ng mga kaibigan, wala ding sasama. Kalagitnaan ng palabas, tutok ako sa palabas, ng bigla nalang may parang kung anong tunog na malakas, parang pagsabog, parang kulog, hindi ko alam kung ano. Nagtayuan ang lahat, takot at naguguluhan, isang malakas na tunog nanaman. At ako'y nawalan ng malay.

Nagising ako na nasa sahig ng sinehan, tumayo ako at napansing wala nang ibang tao sa sinehan kundi ako. Sa screen, makikita ang humintong eksena, yung pinakahuli kong nakita nung una kong marinig ang malakas na tunog. Wala akong kasama, ako nalang mag-isa. Kinilabutan ako bahagya, pero napaisip din, siguro nasira yung projector. Huminto, at naglabasan ang mga tao sa dismaya, pumunta ng counter at nagrefund. Pero gaano na ako katagal nandito sa sahig. Bakit wala man lang nakapansin sa akin? Anong oras na ba? tumingin ako sa pinto, tumigil ang relo ko. 

Tao po!!!!, sigaw ko. Maayos pa ba yung sine? Tapos na ba yung palabas? Tao po!!
Walang sumagot. 

Unti unti ko nang binaybay ang daan palabas. Madilim ang paligid, tanging ang ilaw sa screen lang at mga munting ilaw sa hagdan ang makikita. Tahimik, nakakakilabot na katahimikan. Lumabas ako ng sinehan, walang tao sa mall. Gumagana ang lahat ng escalator, bukas ang mga ilaw at pinto ng mga tindahan. Walang mga guwardya o sales lady. Umaga na. Mataas na ang araw. Mas lalo akong nagtaka. Nasaan ang lahat, sa sikat ng araw, malamang pasado alas-dose na ng tanghali. Dapat bukas na ang mall. May rally ba? Boycott sa empire ng Mall ni Intsik? Pero bakit walang tao ni isa? Ilang oras na ako nasa loob ng sinehan? O baka ilang araw na? Anong araw na? May gyera ba? May lindol? Pero wala naman kaguluhan na makikita sa paligid. Isang normal na mall ang itsura. Abnormal dahil ako lang mag-isa. Dumaan ako sa mga tindahan ng pagkain, restaurant, basa ang sahig, Amoy sunog. 

Tinignan ko ang kusina nila, sunog na mga pagkain, friend chicken, french fries, donut, pati mga lutuan at kaldero pero lahat naagapan ng water sprinkler. wala naman sunog, wala naman tanda ng kahit anong pagsabog.. Wala padin tao akong nakikita. Parang mababaliw na ako, sigaw ako ng sigaw, takbo pababa, paakyat, naghahanap ng kahit anong sign na may tao pa. Narating ko ang pinakababang palapag. Lumabas ako ng mall. Nasilaw ako ng sandali sa sikat ng araw. Lumingon sa kaliwa at kanan. Wala akong matanaw na kahit anong buhay, walang tao. Walang ingay, walang tunog ng kahit anong sasakyan. Nakahinto lahat. walang hangin, walang ulap. Mayroon lang bughaw na langit at matingkad na araw. Nasaan ang lahat? Isa ba itong malaking production ng wow mali at pinagtritripan ako ng sambayanang pilipino.? 

Seryoso, natatakot na ako. Kinurot ko ang pisngi ko, baka sakaling panainip lang. Masakit. Naiiyak na ako, para akong baliw, patakbo-takbo sa parking lot. Tinitignan ang bawat nakaparadang sasakyan. Umabot na ako sa gilid ng edsa. Wala padin. Kahit tunog ng tambutso, makina o utot ng aso wala. 

Anak ng tipaklong, anong nangyayari? nasaan sila? nawala ang lahat? bakit ako lang ang nandito. sinakop na ba tayo ng alien at kunuha ang mga tao, naiwan ako dahil nakatulog ako sa loob ng sinehan? Kung minamalas ka nga naman. Kinapa ko ang bulsa ko, naalala ko ang telepono ko, tumawag ako sa mga kakilala at kapamilya. Walang sumasagot. Sa loob ng ilang oras, puro boses lang na paulit ulit. "Im sorry the number you dialed is currently out of reach/unattended. Naiiyak na ako, boses nalang nung recording sa telepono ang nagpapalakas sa akin, na nagsasbi na hindi pa ako hibang. Na may tao talaga sa mundo noon, at ako nalang ang natira. 

Nakahandusay sa gitna ng edsa. Walang ibang ingay kundi ang aking pag-hinga. Biglang may tumunog sa di kalayuan. Isang telepono, nagkandara pa ako na hanapin ito. Palapit ng palapit sa kung saang direksyon ito. Sa loob ng isang kotse. Sarado. Naka-lock. Kita ko mula sa bintana yung ilaw ng cellphone. Kumuha ako ng bato, binasag ang salamin, parang kidlat na pumunit sa katahimikan ang tunog ng mga nababasag na bubog. Inabot ko ang cellphone. Iphone, kulay pink na may hello kitty. 

Hello!!! Hello!!! Anong nangyayari? Hello!! Nasaan ka? Bakit walang mga tao. Nasaan ang lahat? Anong nangyayari?

Shhhhhh... wag kang maingay, sagot ng nasa kabilang linya..
Nasaan ka? Wag kang matakot... may iilan pang natira. Nasaan ka? Wag kang maingay. Baka mahanap ka nila. Magtago ka. At sundin mo ang lahat ng sasabihin ko kung gusto mo pang mabuhay..

(ITUTULOY)