Puwan
a Mini Novel
by Hedel Cruz
VII
VII
Sa dalawang centimetrong pagitan ng dulo bukana ng tubo ng shotgun, tumatagaktak ang pawis ko... Malamig at mainit. Butil butil na dumadaloy sa noo pababa ng pisngi at mukha. Nakakapaso ang init sa labas ng Megamall pero mas nakakapaso ang tingin ng babaeng may hawak ng gatilyo sa akin.
"Sino ka? Sumagot ka!!!"
Anak ng tinapa, hindi ko na alam kung saan ako matatakot. Sa mga monsters, sa pulang buwan o sa may hawak ng shotgun na ito.
"Sumagot ka", pasigaw na sabi ng babae.
Parang natuyo ang lalamunan ko, hindi ako makapagsalita. Anak ng Tinapa, isa nanaman sa walang katapusang bangungot ko ito. Kahit paborito ko si Bruce Lee at madalas akong manood ng mga pelikula ni Jet Li, Jackie Chan, Dante Varona at Weng-Weng, nanigas ang buong katawan ko sa pagod. Parang antagal ng mga sandaling iyon, parang habangbuhay na takot sa kalagayan ko, andaming pumasok sa isip ko, gusto kong mag-ala ninja sabay sigaw ng Banzaiiiii. Gusto kong agawin ang baril, ipaling sa kaliwa o kanan, umiwas para kahit mapisil niya ang gatilyo maitulak ko siya sabay takbo. Pero lampa ako, aminado ako doon.
Kita ko sa mga mata ng babae ang panlilisik at kasiguruhan niya, sa mga mata niya nakikita ko na kaya niyang iputok ang shotgun ano mang oras. Isip-isip. Kailangan kong mag-isip ng mabilis. Hindi ako sasantuhin nito. Pero sumagi din sa isip ko na, eh ano kung iputok niya. Mas mabuti siguro iyon. Matatapos na ang paghihirap ko. Matatapos na ang bangungut na ito. Ang tagal kong natulala sa kaba at takot.
"Hindi ako nagbibiro, ipuputok ko ito! Sino ka?"
Sigaw ulit ng babae. Bumalik ako sa ulirat at tumitig sa kanyang mata. Infairness maganda siya. Maliit lang na babae pero kita mo na makinis. Natatakpan ng dumi at alikabok ang katawan niya, pero halata mong maputi at anak mayaman sa kanyang kutis na ikinukubli lang nag dumi.
" Masama ba siyang tao, Ate?", isang maliit na tinig ang narinig ko mula sa kanyang likod.
" Isa ba siya sa mga taga-sakop?", sumunod na nanaman ang maliit na boses na nagtanong.
Wow! Ayos, taga-sakop. Mukha ba akong alien. Saka sa patpatin kong ito, halatang di ako pinag United American Tiki-Tiki nung bata ako, eh kaya ko bang manakop. Kahit ata punso ng anay sa bakuran namin di ko magiba, manakop pa kaya ng Earth. Sus naman. Anak ng Tinapa.
"Papatayin niya ba tayo?", wika ulit nung isang bata sa likod ng chicks na ito.
"Hindi, tao siya. Wag kayong mag-alala kasama niyo ako". Sabay baba ng baril ng babae at saka tumalikod.
"Tara na alis na tayo mga bata, kailangan natin makabalik sa kampo", mabilis na naglakad palayo ang babae kasama ang dalawang bata na sa tantya ko ay kambal.
Anak ng tinapa. Kung kelan ka naman nakahinga ng maluwag saka ka mabwibwisit ng ganito.
"Hoy! Babae!" , hindi ko alam kung anong sumapi sa akin pero bigla akong nainis at napasigaw. Kung hindi ba naman tarantado itong babaeng ito. Matapos ako tutukan ng shotgun. Halos maihi ako sa pantalon, bigla akong lalayasan.
"Miss Teka, bingi ka ba?", hindi parin lumingon yung babae. Pero nakadungaw sakin ang dalawang bata habang hawak hawak sila ng babaeng may toyo na ito.
Sinubukan kong kumalma sandali at langhapin ang panibagong hangin na muntik mawala at di ko na malasahan kung ipinutok ng babaeng ito yung shotgun. Malayo layo narin sila ng nagkalakas ako ng loob, ewan siguro dahil galit parin ako at nanginginig sa kaba.
"Kung hindi ka naman bastos, matapos mong itutok sakin yang shotgun mo, halos maihi ako sa kaba sayo, eh kung nakalabit mo yan, patay na ako ngayon" Sigaw ko sa babae, na patuloy lang sa paglalakad.
"Hoy babae! Bastos ka talaga noh? Salamat ha!"
Sa sobrang inis ko, naibato ko yung screw driver sa pinakamalapit na sasakyan sa harap ko, na siya namang bumasag sa salamin nito, at umalingawngaw ang malakas na tunog ng car alarm.
Tumigil ang babae na kumakaladkad sa dalawang chikiting. Pero hindi ito tumingin sa akin.
"Wala ka talagang alam sa mga nangyayari noh!", sabay pagmamadali niyang kinarga ang dalawang bata at tumakbo ng mabilis.
Teka, anong ginawa ko? Anong meron! Biglang umihip ang malakas at malamig na hangin. Nakakakilabot. Anak ng Tinapa. Dahil ba sa car alarm. Naknampucha.
"Kung gusto mong mabuhay, sumunod ka sa amin!", sigaw ng babae habang karga ang dalawang bata, papalayo at mabilis na tumatakbo.
"Teka!", ang tangi kong nasambit at naramdaman ko nalang ang sarili kong tumatakbo din kasunod nila.
(ITUTULOY....)
Hi, Really great effort. Everyone must read this article. Thanks for sharing.
ReplyDelete