Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz
II
Sino ito? Sino ka? Anong nangyare?
Makinig ka, hindi ko masasagot ang lahat ng mga katanungan mo, kahit ako hindi ko alam kung ano ang nangyari, basta bigla nalang naganap ang lahat, nangyari ang lahat pagkatapos nung malakas na dagundong. Ang alam ko lang, nanganganib ang buhay nating lahat. Nasaan ka? Pabulong na sambit ng tao sa kabilang telepono.
Hawak ang Iphone na Pink na may Hello Kitty,... Natulala ako at Tumagaktak ang pawis sa aking mga noo, nang marinig ko yung huling sinabi nung nasa kabilang linya. Malakas na Dagundong? Yun din ba yung narinig ko bago ako mawalan ng malay sa loob ng sinehan? Ano yun? Nanganganib tayong lahat? Kanino? Saan? Bakit? Parang natuyuan ako ng laway at nagsimulang manlamig ang aking buong katawan.
Hello, Hello? Nasaan ka? Kailangan mong mag-ingat. Nasaan ka?, ulit ng boses sa kabilang linya.
Bumalik ako sa ulirat, napatingin sa paligid, umihip ang malamig na hangin. Papalubog na ang araw, nawala sa kalangitan pero hindi dumidilim. Maliwanag, maliwanag parin. Napatingin ako sa itaas, Nangilabot ako sa kulay ng langit, ang kanina'y matingkad na kulay asul ay unti-unting nagiging kulay pula.
"Nasaan ka!!! Kung gusto mong mabuhay kailangan nating magtulungan. Hindi namin alam kung sino pa at ilan pa ang natitirang gaya natin, pero lalaban tayo", ngayon ay pasigaw na ang tinig ng nasa telepono.
Lalaban? Kanino? Dumating na nga ba ang alien? At kunuha o ginawang alikabok na ang sang-katauhan? Anak ng Tipaklong, parang mas gugustuhin ko pang isa ako sa mga nawala, mas matatanggap ko pa ata na gawin akong eksperiment ng alien kesa mamatay sa takot at sa lakas ng kabog ng dibdib ko, kesa ako yung natira tapos may mga sinasabi pa itong kung sino man ito na lalabanan. Kung sa PE class nga namin pasang-awa lang ako, sa labanan pa, anong magagwa ko? Buti sana kung spelling bee yung format ng laban, o kaya crossword puzzle o sodoku. Malaki ang chance ko. Anak ng Tinapa. Lumalamig na.
Nasaan ka?
Ikaw? nasaan ka? Paano ko masisigurado na mapagkakatiwalaan kita, eh ayaw mo nga sabihin sakin kung anong nangyayari!
Ilang sandali na walang salita na lumabas sa aming dalawa. Hinga lang ang naririnig sa magkabilang linya. Ilang segundo pa, nagsalita din siya.
Ako si Brando. malumanay niyang sambit.
Ampucha naman, ang liit ng boses niya, kanina ko pa siya kausap, akala ko nung una babae o isang obit na nagbibinata dahil sa tinis ng tunog, tapos brando pangalan. di kaya pinaglololoko talaga ako nito, Ampucha. no choice, kesa naman mag-isa kong harapin ang kabaliwan na ito. Mas ok na mag-take ng risk. Mas okey na ito, ang totoo nabuhayan ako ng loob nang marinig ko na may iba pang buhay na tao, hindi ako mag-isa. Pero natatakot na talaga ako. Sino o ano ang sinasabi niyang kalaban? MMDA? Militar? NPA? Alien? CIA? Monsters? Bigfoot? Anak ng palaka, nakaka-aning na talaga ito.
Malapit na ang Gabi! kailangan mong umalis diyan. Pumasok ka sa mall, magtago ka.
Wala nang araw, pero hindi naman dumidilim. Hindi ko masabi kung gabi na talaga. Puro kulay pula lang ang nakikita ko sa kalangitan. Mula sa malayo nakikita ko ang buwan, may kakaiba sa buwan, medyo mas mailaw siya ngayon, mas matingkad. Mas malaki at mas maliwanag. Kulay Pula din.
Hindi ka dapat maabutan ng buwan. Kailangan mong magtago., may bahid na ng pagkabalisa ang boses ng nasa kabilang linya. Pumasok ka ulit ng mall, maghanap ka ng madilim na lugar, at wag kang aalis kung, hanggat di pa sumisikat ang araw bukas.
Teka, teka, pwede bang bigyan mo ako ng kahit kaunting ideya kung ano ang nangyayari, mangyayari o yung sinasabi mong kalaban na haharapin.
Kailangan mo nang umalis diya sa kalsada, bilisan mo.
Kahit nagtataka at alangan, kusang gumalaw ang mga paa ko pabalik sa loob ng mall, tangan ang iphone na Pink na may Hello Kitty habang kausap si Brando.
Wag na wag kang lalabas, kahit ano ang marinig mo, Lumalabas hindi ka dapat abutan ng liwanag ng tirik na ang bilog na buwan sa kalangitan. Wag kang maniwala, sa mga sinasabi ng mga tunog sa iyo.
Sinong sila? Sinong sila?
Lumabas ka lang kapag mainit na, kapag ramdam mo nang sumikat na ang araw. Wag kang gagawa ng kahit ano mang tu........
tooot... tooot....
Anak ng Tinapa, lowbat ang iphone na pink na may Hello Kitty.
(ITUTULOY)
No comments:
Post a Comment