May 30, 2012

Puwan : Ang Unang Tagpo

Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz


I


Madalas ako manuod mag-isa, ng sine. Pakiramdam ko kasi wala nang mas sasarap pa kundi sa panunuod ng sine mag-isa, wala kang kaibigan na mayat maya ay hihingi ng popcorn o french fries sa iyo. Wala kang kasama na magtatakip ng mata pag nandyan na yung killer, tapos magngungulit kung ano ang nangyari. Masarap manuod ng sine, kahit mag-isa ka lang at walang kasama gaya ng ibang mga kasabay mo. Bukod sa sineng palabas, masaya ding panuodin ang ibang tao sa kung ano anong ginagawa nila. May naghahalikan, nagkikilitiian, nagtatawanan, nagkakainan (ng pagkain), at naglalambingan. Higit sa lahat mas tutok ako sa panunuod, mas naiintindihan ko yung kwento. 

Hindi naman dahil sa loner ako, nanunuod din ako kasama ng mga kaibigan ko. Pero pag yung tipong gustong-gusto ko na palabas, ayaw ko ng may kasama. Gusto ko focused lang ako sa pinapanuod. Alas 10 ng gabi. Last full show. Pumunta ako sa pinakamalapit na tambayan ng lahat at pinagkukunan ni Henry Sy. Konti nalang ang tao mga dalawampu siguro, hindi nakapagtataka dahil hindi sikat ang mga bida, drama/environmental/dokyu ang palabas, na malamang kahit magyaya ako ng mga kaibigan, wala ding sasama. Kalagitnaan ng palabas, tutok ako sa palabas, ng bigla nalang may parang kung anong tunog na malakas, parang pagsabog, parang kulog, hindi ko alam kung ano. Nagtayuan ang lahat, takot at naguguluhan, isang malakas na tunog nanaman. At ako'y nawalan ng malay.

Nagising ako na nasa sahig ng sinehan, tumayo ako at napansing wala nang ibang tao sa sinehan kundi ako. Sa screen, makikita ang humintong eksena, yung pinakahuli kong nakita nung una kong marinig ang malakas na tunog. Wala akong kasama, ako nalang mag-isa. Kinilabutan ako bahagya, pero napaisip din, siguro nasira yung projector. Huminto, at naglabasan ang mga tao sa dismaya, pumunta ng counter at nagrefund. Pero gaano na ako katagal nandito sa sahig. Bakit wala man lang nakapansin sa akin? Anong oras na ba? tumingin ako sa pinto, tumigil ang relo ko. 

Tao po!!!!, sigaw ko. Maayos pa ba yung sine? Tapos na ba yung palabas? Tao po!!
Walang sumagot. 

Unti unti ko nang binaybay ang daan palabas. Madilim ang paligid, tanging ang ilaw sa screen lang at mga munting ilaw sa hagdan ang makikita. Tahimik, nakakakilabot na katahimikan. Lumabas ako ng sinehan, walang tao sa mall. Gumagana ang lahat ng escalator, bukas ang mga ilaw at pinto ng mga tindahan. Walang mga guwardya o sales lady. Umaga na. Mataas na ang araw. Mas lalo akong nagtaka. Nasaan ang lahat, sa sikat ng araw, malamang pasado alas-dose na ng tanghali. Dapat bukas na ang mall. May rally ba? Boycott sa empire ng Mall ni Intsik? Pero bakit walang tao ni isa? Ilang oras na ako nasa loob ng sinehan? O baka ilang araw na? Anong araw na? May gyera ba? May lindol? Pero wala naman kaguluhan na makikita sa paligid. Isang normal na mall ang itsura. Abnormal dahil ako lang mag-isa. Dumaan ako sa mga tindahan ng pagkain, restaurant, basa ang sahig, Amoy sunog. 

Tinignan ko ang kusina nila, sunog na mga pagkain, friend chicken, french fries, donut, pati mga lutuan at kaldero pero lahat naagapan ng water sprinkler. wala naman sunog, wala naman tanda ng kahit anong pagsabog.. Wala padin tao akong nakikita. Parang mababaliw na ako, sigaw ako ng sigaw, takbo pababa, paakyat, naghahanap ng kahit anong sign na may tao pa. Narating ko ang pinakababang palapag. Lumabas ako ng mall. Nasilaw ako ng sandali sa sikat ng araw. Lumingon sa kaliwa at kanan. Wala akong matanaw na kahit anong buhay, walang tao. Walang ingay, walang tunog ng kahit anong sasakyan. Nakahinto lahat. walang hangin, walang ulap. Mayroon lang bughaw na langit at matingkad na araw. Nasaan ang lahat? Isa ba itong malaking production ng wow mali at pinagtritripan ako ng sambayanang pilipino.? 

Seryoso, natatakot na ako. Kinurot ko ang pisngi ko, baka sakaling panainip lang. Masakit. Naiiyak na ako, para akong baliw, patakbo-takbo sa parking lot. Tinitignan ang bawat nakaparadang sasakyan. Umabot na ako sa gilid ng edsa. Wala padin. Kahit tunog ng tambutso, makina o utot ng aso wala. 

Anak ng tipaklong, anong nangyayari? nasaan sila? nawala ang lahat? bakit ako lang ang nandito. sinakop na ba tayo ng alien at kunuha ang mga tao, naiwan ako dahil nakatulog ako sa loob ng sinehan? Kung minamalas ka nga naman. Kinapa ko ang bulsa ko, naalala ko ang telepono ko, tumawag ako sa mga kakilala at kapamilya. Walang sumasagot. Sa loob ng ilang oras, puro boses lang na paulit ulit. "Im sorry the number you dialed is currently out of reach/unattended. Naiiyak na ako, boses nalang nung recording sa telepono ang nagpapalakas sa akin, na nagsasbi na hindi pa ako hibang. Na may tao talaga sa mundo noon, at ako nalang ang natira. 

Nakahandusay sa gitna ng edsa. Walang ibang ingay kundi ang aking pag-hinga. Biglang may tumunog sa di kalayuan. Isang telepono, nagkandara pa ako na hanapin ito. Palapit ng palapit sa kung saang direksyon ito. Sa loob ng isang kotse. Sarado. Naka-lock. Kita ko mula sa bintana yung ilaw ng cellphone. Kumuha ako ng bato, binasag ang salamin, parang kidlat na pumunit sa katahimikan ang tunog ng mga nababasag na bubog. Inabot ko ang cellphone. Iphone, kulay pink na may hello kitty. 

Hello!!! Hello!!! Anong nangyayari? Hello!! Nasaan ka? Bakit walang mga tao. Nasaan ang lahat? Anong nangyayari?

Shhhhhh... wag kang maingay, sagot ng nasa kabilang linya..
Nasaan ka? Wag kang matakot... may iilan pang natira. Nasaan ka? Wag kang maingay. Baka mahanap ka nila. Magtago ka. At sundin mo ang lahat ng sasabihin ko kung gusto mo pang mabuhay..

(ITUTULOY)

2 comments:

  1. kelan ung next part

    ReplyDelete
  2. nice, nararamdaman ko yung thrill habang nagbabasa :)

    ReplyDelete