Jul 29, 2013

Puwan: Ang Bitter Truth

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz



VIII



Natagpuan ko ang sariling tumatakbo nakasunod sa babaeng kanina lang ay nagpakaba sa buong katawan ko. Mga ilang metro ang layo nila sa akin, tumatalon talon sa mga kotse sa EDSA, umiiwas iwas at sumisingit singit sa mga naglalakihang bus na nakahambalang. Ang ilan ay umaandar pa ang makina, ang ilan nakafullstop at naubusan na ata ng gasolina. Karamihan at nagkabanga banga na sa mga unahang sasakyan. Mula sa likod kita ko na nahihirapan na ang babae sa pagbuhat sa dalawang chikiting. Ilang sandali pa ay naabutan ko na sila, at kita ko sa kanyang mga mata na hirap na siya sa pagtakbo.
"Saan tayo pupunta?", tanong ko habang tumatakbo.
Hindi siya nagsalita at nakatingin lang sa malayo, habang humihingal. Ramdam ko ang pagod niya kaya hinawakan ko siya, pero hindi siya huminto. Hinawakan ko ang isa sa bitbit niyang bata, napatingin siya sa akin, isang matalas na tingin. Pero hindi ko nagpatinag sa mga tingin niyang iyon. Sa daglit na paglapat ng aming mga mata alam kong alam niya kung anong ibig kong sabihin. Tumango lang siya habang lumuwag ang kapit niya sa isang batang karga niya.
"Ate, ayoko!!!! Wag mo akong ibigay sa kanya", sigaw ng isang bata nang tuluyan ko na siyang nahawakan at kinarga, habang patuloy sa pagtakbo.
"Kaibigan siya....", sambit ng babae, habang nagpupumiglas parin ang bata sa aking mga kamay.
"Di kita iiwan", patuloy ng babae habang sabay na kaming humihingal sa pagtakbo. Pagtakbo sa kung saan, at kung sino man ang aming tinatakbuha. Sa pagkakataong ito, kumapit sa akin ang bata ng mahigpit. Kapit na parang napanatag ang loob.
Hindi kami huminto sa pagtakbo, nilampasan ang LRT Ortigas at Annapolis, hanggang sa marating na namin ang dating Uniwide na ngayon ay Save More Supermarket na. Pumasok kami sa loob. Isinara ang pinto, at naghanap ng isang sulok. Pareho kaming humihingal, at napasalampak nalang sa sahig. Sa likuran namin ay dalawang magkatabing malalaking chest type ref na may lamang Ice Cream at Fishbols, French Fries at Squidballs.
Tahimik ang buong paligid, at hininga naming hingal na hingal lang ang tanging maririnig.
"Ligtas na ba tayo?", sabi ng isang bata.
Nagkatinginan nalang kami ng babae. Napatingin din ako sa dalawang bata, na ngayon ko lang nasigurado na kambal. Nasa mga 5 o 6 na taon siguro ang edad. Nakayakap sa babaeng hinahabol parin ang kanyang hininga. Tumingin sakin ang babae na nagbigay ulit sakin ng kaba, hawak parin niya ang shotgun. Anak ng tinapa, ang lakas nitong babaeng ito. Kanina pa siya tumatakbo dala yung mabigat na shotgun saka yung bata. Ako sa pagmamadali at hingal ko kanina nabitawan ko na yung baseball bat at screwdriver. Pero tingin ko kaya niya padin akong patumbahin, kung sakaling mabaliw siya at makipaghamunan ng suntukan. Talo ako.
Itinaas niya ang kanyang kamay at akmang inilapit sa akin, na siya ko namang ikinabigla at napaatras ako lalo sa sinasandalang ref ng squidballs at kikiam.
"Ako si Christina", habang nakaabot ang kamay niya sakin.
"Max..... Ako si Max... Maximus Generoso", nanginginig na nakipagkamay sa kanya.
"Ako si Jizel!" "Ako si Joara", Halos magkasabay na sambit ng dalawang cute na chikiting.
"Kambal sila", sabat ni Christina na humahangos padin sa paghinga.....
"Anong nangyari? Asan na ang mga tao? Bakit tayo tumatakbo? Kanino tayo tumatakbo", sunod sunod na birada ng tanong ko....
Nagkatinginan lang ang tatlo na parang nagtataka din.
"Hindi mo talaga alam?", nagtatakang tanong ni Christina.
"Hindi ko alam, nanonood lang ako ng sine sa Megamall, ang huling natatandaan ko ay yung malakas na tunog parang kidlat. Nawalan ako ng malay at paggising ko, eto na. Sabihin mo sakin kung anong nangyayari."
Inalis ni Christina ang tingin sa akin, at tumingin na malayo..... Tumahimik ito na parang may malalim na iniisip.
"Ang Pagbabalik..... Ito na ang pagbabalik niya.....", matapos ang ilang sandali ay ito ang namutawi sa bibig niya.
Pagbabalik? Wala akong maintindihan, ayaw ko namang magtanong pa ulit. Wag, hindi muna ngayon. Gusto kong makiramdam muna. Ayaw ko ding ma-info overload. Pero sino ang sinasabi niyang magbabalik. Ang labo talaga. Anak ng Tinapa.
Tumingin ulit sa akin si Christina, kung kanina ay matalim at mapagdudang tingin, ngayon mas malumanay at may bakas ng awa sa kanyang mga mata. Oo awa ang nakikita ko sa kanyang mga mata, anak ng tinapa. Ganon ba ako ka-pathetic? Hay buhay nga naman. Pero hindi ko din siya masisisi, mukha naman talaga akong lampa at kaawaawa. Para sa kanya, nakakaawa ako na walang alam at absolute zero s mga nangyayari.
Matagal siyang nakatitig sa akin, na medyo nailang ako. Gusto ko sanang putulin ang tingin na iyon, yumuko at manahimik nalang. Pero ayaw ko naman ipakitang mahina ako. Eto na ito, ngayong may kasama na ako. Ngayong alam kong hindi panaginip o guni-guni ang lahat. Ngayong may taong alam kong makakapagbigay liwanag sa lahat ng katanungan ko. Wala nang atrasan to. Kailangan kong malaman ang totoo. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya, mga tingin na nagsasabing "Pucha naman, wag nang paexcite mamamatay na ako sa kaba at takot, kelangan ko ng sagot"
Maya maya pa ay nagsalita din si Christina.
"Katapusan na ng Mundo. End of the World, Magbabalik na si Kristo........."
(ITUTULOY)

Jul 28, 2013

Puwan: Shotgun

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz



VII


Sa dalawang centimetrong pagitan ng dulo bukana ng tubo ng shotgun, tumatagaktak ang pawis ko... Malamig at mainit. Butil butil na dumadaloy sa noo pababa ng pisngi at mukha. Nakakapaso ang init sa labas ng Megamall pero mas nakakapaso ang tingin ng babaeng may hawak ng gatilyo sa akin.
"Sino ka? Sumagot ka!!!"
Anak ng tinapa, hindi ko na alam kung saan ako matatakot. Sa mga monsters, sa pulang buwan o sa may hawak ng shotgun na ito.
"Sumagot ka", pasigaw na sabi ng babae.
Parang natuyo ang lalamunan ko, hindi ako makapagsalita. Anak ng Tinapa, isa nanaman sa walang katapusang bangungot ko ito. Kahit paborito ko si Bruce Lee at madalas akong manood ng mga pelikula ni Jet Li, Jackie Chan, Dante Varona at Weng-Weng, nanigas ang buong katawan ko sa pagod. Parang antagal ng mga sandaling iyon, parang habangbuhay na takot sa kalagayan ko, andaming pumasok sa isip ko, gusto kong mag-ala ninja sabay sigaw ng Banzaiiiii. Gusto kong agawin ang baril, ipaling sa kaliwa o kanan, umiwas para kahit mapisil niya ang gatilyo maitulak ko siya sabay takbo. Pero lampa ako, aminado ako doon.
Kita ko sa mga mata ng babae ang panlilisik at kasiguruhan niya, sa mga mata niya nakikita ko na kaya niyang iputok ang shotgun ano mang oras. Isip-isip. Kailangan kong mag-isip ng mabilis. Hindi ako sasantuhin nito. Pero sumagi din sa isip ko na, eh ano kung iputok niya. Mas mabuti siguro iyon. Matatapos na ang paghihirap ko. Matatapos na ang bangungut na ito. Ang tagal kong natulala sa kaba at takot.
"Hindi ako nagbibiro, ipuputok ko ito! Sino ka?"
Sigaw ulit ng babae. Bumalik ako sa ulirat at tumitig sa kanyang mata. Infairness maganda siya. Maliit lang na babae pero kita mo na makinis. Natatakpan ng dumi at alikabok ang katawan niya, pero halata mong maputi at anak mayaman sa kanyang kutis na ikinukubli lang nag dumi.
" Masama ba siyang tao, Ate?", isang maliit na tinig ang narinig ko mula sa kanyang likod.
" Isa ba siya sa mga taga-sakop?", sumunod na nanaman ang maliit na boses na nagtanong.
Wow! Ayos, taga-sakop. Mukha ba akong alien. Saka sa patpatin kong ito, halatang di ako pinag United American Tiki-Tiki nung bata ako, eh kaya ko bang manakop. Kahit ata punso ng anay sa bakuran namin di ko magiba, manakop pa kaya ng Earth. Sus naman. Anak ng Tinapa.
"Papatayin niya ba tayo?", wika ulit nung isang bata sa likod ng chicks na ito.
"Hindi, tao siya. Wag kayong mag-alala kasama niyo ako". Sabay baba ng baril ng babae at saka tumalikod.
"Tara na alis na tayo mga bata, kailangan natin makabalik sa kampo", mabilis na naglakad palayo ang babae kasama ang dalawang bata na sa tantya ko ay kambal.
Anak ng tinapa. Kung kelan ka naman nakahinga ng maluwag saka ka mabwibwisit ng ganito.
"Hoy! Babae!" , hindi ko alam kung anong sumapi sa akin pero bigla akong nainis at napasigaw. Kung hindi ba naman tarantado itong babaeng ito. Matapos ako tutukan ng shotgun. Halos maihi ako sa pantalon, bigla akong lalayasan.
"Miss Teka, bingi ka ba?", hindi parin lumingon yung babae. Pero nakadungaw sakin ang dalawang bata habang hawak hawak sila ng babaeng may toyo na ito.
Sinubukan kong kumalma sandali at langhapin ang panibagong hangin na muntik mawala at di ko na malasahan kung ipinutok ng babaeng ito yung shotgun. Malayo layo narin sila ng nagkalakas ako ng loob, ewan siguro dahil galit parin ako at nanginginig sa kaba.
"Kung hindi ka naman bastos, matapos mong itutok sakin yang shotgun mo, halos maihi ako sa kaba sayo, eh kung nakalabit mo yan, patay na ako ngayon" Sigaw ko sa babae, na patuloy lang sa paglalakad.
"Hoy babae! Bastos ka talaga noh? Salamat ha!" 
Sa sobrang inis ko, naibato ko yung screw driver sa pinakamalapit na sasakyan sa harap ko, na siya namang bumasag sa salamin nito, at umalingawngaw ang malakas na tunog ng car alarm.
Tumigil ang babae na kumakaladkad sa dalawang chikiting. Pero hindi ito tumingin sa akin.
"Wala ka talagang alam sa mga nangyayari noh!", sabay pagmamadali niyang kinarga ang dalawang bata at tumakbo ng mabilis.
Teka, anong ginawa ko? Anong meron! Biglang umihip ang malakas at malamig na hangin. Nakakakilabot. Anak ng Tinapa. Dahil ba sa car alarm. Naknampucha.
"Kung gusto mong mabuhay, sumunod ka sa amin!", sigaw ng babae habang karga ang dalawang bata, papalayo at mabilis na tumatakbo.
"Teka!", ang tangi kong nasambit at naramdaman ko nalang ang sarili kong tumatakbo din kasunod nila.
(ITUTULOY....)

Jul 27, 2013

Puwan: Sa Gitna ng Liwanag at Dilim

Puwan

a Mini Novel 

by Hedel Cruz




CHAPTER VI

Mabilis akong tumayo, papalapit sa bakal na pinto. Pinapakiramdaman ang bawat galaw sa labas. Papalayo na ang mga yabag at mga nilalang na kanina ay gumising sa akin.... Gusto kong sumigaw. Gusto kong tawagin sila ulit, pero natatakot ako. Madilim sa loob ng shop. At hindi ko alam kung anong nasa labas. Idinikit ko ang tenga sa salamin na nanunuot sa buto ang lamig, naghahanap ng senyales. Kahit ano, kahit ano na makakapagbigay buhay sa loob ko.
Pero hindi ko na matagalan ang pagkabalisa at pagkabaliw. Bahala na.... Kahit sino pa sila, mas ok na ito... Bahala na. Hindi ko na iisipin kung masamang tao sila, basta ang alam ko kelangan ko ng kasama. Hindi rin naman sila siguro monster. Kung halimaw sila malamang di sila magmamadali para di abutan ng buwan.
Mabilis kong binuksan ang pinaghirapan kong ilock na pinto, hindi ko alam, pero todo ang kabog ng dibdib ko. Kelangan ko sila abutan. Kelangan ko ng isang bagay na makapagpapaalala sakin na hindi pa ako baliw, na hindi pa ako nagiisa, na hindi panaginip ang lahat ng ito. Oo nga at nakausap ko na si Brando. Pero di padin ako mapalagay, mahirap iasa ang kapalaran ko sa boses na hindi ko alam kung totoo, sa taong di ko kilala, sa taong di ko alam kung nasaang lupalop.
Mabilis pa sa alaskwatro ang takbo ko sa hallway ng megamall. Dinaanan ang mga nakabukas paring mga tindahan. Bigla akong nagutom, pero titiisin ko muna. Saka baka expired na rin yung mga luto kahapon sa Jollibee at KFC. Gusto ko sanang mag elevator, mukhang mas mabilis sa escalator.
Hawak ko parin ang baseball bat at screwdriver habang patalon talon ng hakbang sa escalator.
"Tao po!!!! Asan na kayo?" 
"May tao ba rito! Asan kayo"
Mas lalong bumibilis ang kabog ng dibdib ko habang pababa ng pababa sa megamall... Dumating na ako sa ground na nagdudugtong sa Building A at Building B. Pero wala paring bakas ng buhay na nilalang. Palinga linga at paikot ikot ang ulo, pabilis ng pabilis, takbo rito takbo roon. Lingon dito, lingon doon. Pero wala padin.... Nakakaaning kanina yung katahimikan, ngayon naman nakadagdag pa sa ka-aningan yung tunog ng maliit na arcade na natapatan ko. Parang tanga na tumutugtog ang dance dance revo at mga boses ng games ng karera.
Pero mula sa nakakabaliw na sitwasyon, isang malakas na kalabog ang pumunit sa nauurat kong isipan. Isang pinto sa may bandang CR ang sumarado. Papunta sa kung saan na hindi ko alam. Anak ng tinapa. Umaga pa diba? Naglabasan na kaya ang mga halimaw. Pero diba sa Pulang Buwan pa sila masagana ang powers, yun ay kung tama ang hula ko at intindi ko sa mga pahayaw na babala ni Brando.
Kahit kakaba kaba agad kong tinungo ang pinanggalingan ng tunog. Isang malaking pinto sa tabi ng CR ang nakita kong lumalangitngit. Sa taas nito nakasulat ang fire exit. Maliwanag naman sa kabila ng pinto. Pero kung ipipinta ang mukha ko at kabog ng dibdib ko malamang sa malamang, abstract at hindi maintindihan. Kukulangin ang pintura ni Picasso o ni Michael Angelo, sa iba ibang emosyon na aking nararamdaman.
Dahan dahan at maingat kong pinasok ang pinto. Sa loob nito isa nanamang nakakabinging katahimikan. Kahit ang paghinga ko ay pigil sa mga bawat hakbang na aking ginagawa. Nampucha talaga, kelan ba matatapos ang bangungutot na ito.
Mahaba ang pasilyo ng fire exit na iyon. Isa, dalawa, tatlo. Nakatatlong liko na ako pero wala parin akong nakikita. Puro Fire extinguisher lang at mga neon signs ng arrow kung saan ka dapat pupunta kapag may nogsu. Mabilis na ang aking lakad ngayon. Hawak ang bat at screwdriver, handa na ako sa mga bawat hakbang at sa kung ano pa naman ang darating.
Malapit na ako sa labasan. Unti unti nang nawawala ang kaba ko, baka nga naman hangin lang yun. Letche naman talaga oh, saan na kaya napunta yung mga nilalang na kanina ay hinahabol ko. Kumakalam na ang sikmura ko. Pero tinatamad na akong bumalik. Malapit na ako sa labasan. Tanaw ko na ang pinto palabas. Bahala na. Kung EDSA man ang labas nito, o kung saang lupalop. Ayoko na manatili pa dito.
Anak ng Tinapa, umuwi kaya muna ako. Baka sa daan makakita ako ng tao. Anak ng tinapa ulit. Wala nga palang byahe ng LRT. Wala na nga rin palang drayber ng jeep o traysikel. Kahit taxi payag ako magbayad ng hindi de metro. Pero anak ng tinapa nga naman, wala nang tao. Putek, bakit hindi ko ba naisipan magaral magmaneho. Anak ng tinapa naman oh.... Kung kelan isang paradise ang edsa na walang kasabay na sasakyan, at isang Utopia sa mga carnapper ang Pinas dahil sa dami ng sasakyang pwedeng madekwat at ipa-chopchop.
"Sino Ka? Sagot"
Nakatutok sa mukha ko at kita ko ang dalawang barrel ng shotgun na nakatapat sa aking noo, ang bumungad sa aking sa pagbukas ko ng pinto...
Sa dulo, ang may hawak ng gatilyo. Isang babae. Sa likod nito dalawang batang takot na nagtatago sa kanyang mga hita.
Anak ng tinapa....
(ITUTULOY)