May 31, 2012

Puwan: Lecheng Hello Kitty

Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz


II


Sino ito? Sino ka? Anong nangyare?
Makinig ka, hindi ko masasagot ang lahat ng mga katanungan mo, kahit ako hindi ko alam kung ano ang nangyari, basta bigla nalang naganap ang lahat, nangyari ang lahat pagkatapos nung malakas na dagundong. Ang alam ko lang, nanganganib ang buhay nating lahat. Nasaan ka? Pabulong na sambit ng tao sa kabilang telepono.

Hawak ang Iphone na Pink na may Hello Kitty,... Natulala ako at Tumagaktak ang pawis sa aking mga noo, nang marinig ko yung huling sinabi nung nasa kabilang linya. Malakas na Dagundong? Yun din ba yung narinig ko bago ako mawalan ng malay sa loob ng sinehan? Ano yun? Nanganganib tayong lahat? Kanino? Saan? Bakit? Parang natuyuan ako ng laway at nagsimulang manlamig ang aking buong katawan.

Hello, Hello? Nasaan ka? Kailangan mong mag-ingat. Nasaan ka?, ulit ng boses sa kabilang linya.
Bumalik ako sa ulirat, napatingin sa paligid, umihip ang malamig na hangin. Papalubog na ang araw, nawala sa kalangitan pero hindi dumidilim. Maliwanag, maliwanag parin. Napatingin ako sa itaas, Nangilabot ako sa kulay ng langit, ang kanina'y matingkad na kulay asul ay unti-unting nagiging kulay pula.

"Nasaan ka!!! Kung gusto mong mabuhay kailangan nating magtulungan. Hindi namin alam kung sino pa at ilan pa ang natitirang gaya natin, pero lalaban tayo", ngayon ay pasigaw na ang tinig ng nasa telepono.
Lalaban? Kanino? Dumating na nga ba ang alien? At kunuha o ginawang alikabok na ang sang-katauhan? Anak ng Tipaklong, parang mas gugustuhin ko pang isa ako sa mga nawala, mas matatanggap ko pa ata na gawin akong eksperiment ng alien kesa mamatay sa takot at sa lakas ng kabog ng dibdib ko, kesa ako yung natira tapos may mga sinasabi pa itong kung sino man ito na lalabanan. Kung sa PE class nga namin pasang-awa lang ako, sa labanan pa, anong magagwa ko? Buti sana kung spelling bee yung format ng laban, o kaya crossword puzzle o sodoku. Malaki ang chance ko. Anak ng Tinapa. Lumalamig na.

Nasaan ka?

Ikaw? nasaan ka? Paano ko masisigurado na mapagkakatiwalaan kita, eh ayaw mo nga sabihin sakin kung anong nangyayari!

Ilang sandali na walang salita na lumabas sa aming dalawa. Hinga lang ang naririnig sa magkabilang linya. Ilang segundo pa, nagsalita din siya.

Ako si Brando. malumanay niyang sambit.

Ampucha naman, ang liit ng boses niya, kanina ko pa siya kausap, akala ko nung una babae o isang obit na nagbibinata dahil sa tinis ng tunog, tapos brando pangalan. di kaya pinaglololoko talaga ako nito, Ampucha. no choice, kesa naman mag-isa kong harapin ang kabaliwan na ito. Mas ok na mag-take ng risk. Mas okey na ito, ang totoo nabuhayan ako ng loob nang marinig ko na may iba pang buhay na tao, hindi ako mag-isa. Pero natatakot na talaga ako. Sino o ano ang sinasabi niyang kalaban? MMDA? Militar? NPA? Alien? CIA? Monsters? Bigfoot? Anak ng palaka, nakaka-aning na talaga ito.

Malapit na ang Gabi! kailangan mong umalis diyan. Pumasok ka sa mall, magtago ka.
Wala nang araw, pero hindi naman dumidilim. Hindi ko masabi kung gabi na talaga. Puro kulay pula lang ang nakikita ko sa kalangitan. Mula sa malayo nakikita ko ang buwan, may kakaiba sa buwan, medyo mas mailaw siya ngayon, mas matingkad. Mas malaki at mas maliwanag. Kulay Pula din.

Hindi ka dapat maabutan ng buwan. Kailangan mong magtago., may bahid na ng pagkabalisa ang boses ng nasa kabilang linya. Pumasok ka ulit ng mall, maghanap ka ng madilim na lugar, at wag kang aalis kung, hanggat di pa sumisikat ang araw bukas.

Teka, teka, pwede bang bigyan mo ako ng kahit kaunting ideya kung ano ang nangyayari, mangyayari o yung sinasabi mong kalaban na haharapin.

Kailangan mo nang umalis diya sa kalsada, bilisan mo.

Kahit nagtataka at alangan, kusang gumalaw ang mga paa ko pabalik sa loob ng mall, tangan ang iphone na Pink na may Hello Kitty habang kausap si Brando.

Wag na wag kang lalabas, kahit ano ang marinig mo, Lumalabas hindi ka dapat abutan ng liwanag ng tirik na ang bilog na buwan sa kalangitan. Wag kang maniwala, sa mga sinasabi ng mga tunog sa iyo.
Sinong sila? Sinong sila?

Lumabas ka lang kapag mainit na, kapag ramdam mo nang sumikat na ang araw. Wag kang gagawa ng kahit ano mang tu........

tooot... tooot....

Anak ng Tinapa, lowbat ang iphone na pink na may Hello Kitty.

(ITUTULOY)

May 30, 2012

Puwan : Ang Unang Tagpo

Puwan
A Mini Novel
ni Hedel Cruz


I


Madalas ako manuod mag-isa, ng sine. Pakiramdam ko kasi wala nang mas sasarap pa kundi sa panunuod ng sine mag-isa, wala kang kaibigan na mayat maya ay hihingi ng popcorn o french fries sa iyo. Wala kang kasama na magtatakip ng mata pag nandyan na yung killer, tapos magngungulit kung ano ang nangyari. Masarap manuod ng sine, kahit mag-isa ka lang at walang kasama gaya ng ibang mga kasabay mo. Bukod sa sineng palabas, masaya ding panuodin ang ibang tao sa kung ano anong ginagawa nila. May naghahalikan, nagkikilitiian, nagtatawanan, nagkakainan (ng pagkain), at naglalambingan. Higit sa lahat mas tutok ako sa panunuod, mas naiintindihan ko yung kwento. 

Hindi naman dahil sa loner ako, nanunuod din ako kasama ng mga kaibigan ko. Pero pag yung tipong gustong-gusto ko na palabas, ayaw ko ng may kasama. Gusto ko focused lang ako sa pinapanuod. Alas 10 ng gabi. Last full show. Pumunta ako sa pinakamalapit na tambayan ng lahat at pinagkukunan ni Henry Sy. Konti nalang ang tao mga dalawampu siguro, hindi nakapagtataka dahil hindi sikat ang mga bida, drama/environmental/dokyu ang palabas, na malamang kahit magyaya ako ng mga kaibigan, wala ding sasama. Kalagitnaan ng palabas, tutok ako sa palabas, ng bigla nalang may parang kung anong tunog na malakas, parang pagsabog, parang kulog, hindi ko alam kung ano. Nagtayuan ang lahat, takot at naguguluhan, isang malakas na tunog nanaman. At ako'y nawalan ng malay.

Nagising ako na nasa sahig ng sinehan, tumayo ako at napansing wala nang ibang tao sa sinehan kundi ako. Sa screen, makikita ang humintong eksena, yung pinakahuli kong nakita nung una kong marinig ang malakas na tunog. Wala akong kasama, ako nalang mag-isa. Kinilabutan ako bahagya, pero napaisip din, siguro nasira yung projector. Huminto, at naglabasan ang mga tao sa dismaya, pumunta ng counter at nagrefund. Pero gaano na ako katagal nandito sa sahig. Bakit wala man lang nakapansin sa akin? Anong oras na ba? tumingin ako sa pinto, tumigil ang relo ko. 

Tao po!!!!, sigaw ko. Maayos pa ba yung sine? Tapos na ba yung palabas? Tao po!!
Walang sumagot. 

Unti unti ko nang binaybay ang daan palabas. Madilim ang paligid, tanging ang ilaw sa screen lang at mga munting ilaw sa hagdan ang makikita. Tahimik, nakakakilabot na katahimikan. Lumabas ako ng sinehan, walang tao sa mall. Gumagana ang lahat ng escalator, bukas ang mga ilaw at pinto ng mga tindahan. Walang mga guwardya o sales lady. Umaga na. Mataas na ang araw. Mas lalo akong nagtaka. Nasaan ang lahat, sa sikat ng araw, malamang pasado alas-dose na ng tanghali. Dapat bukas na ang mall. May rally ba? Boycott sa empire ng Mall ni Intsik? Pero bakit walang tao ni isa? Ilang oras na ako nasa loob ng sinehan? O baka ilang araw na? Anong araw na? May gyera ba? May lindol? Pero wala naman kaguluhan na makikita sa paligid. Isang normal na mall ang itsura. Abnormal dahil ako lang mag-isa. Dumaan ako sa mga tindahan ng pagkain, restaurant, basa ang sahig, Amoy sunog. 

Tinignan ko ang kusina nila, sunog na mga pagkain, friend chicken, french fries, donut, pati mga lutuan at kaldero pero lahat naagapan ng water sprinkler. wala naman sunog, wala naman tanda ng kahit anong pagsabog.. Wala padin tao akong nakikita. Parang mababaliw na ako, sigaw ako ng sigaw, takbo pababa, paakyat, naghahanap ng kahit anong sign na may tao pa. Narating ko ang pinakababang palapag. Lumabas ako ng mall. Nasilaw ako ng sandali sa sikat ng araw. Lumingon sa kaliwa at kanan. Wala akong matanaw na kahit anong buhay, walang tao. Walang ingay, walang tunog ng kahit anong sasakyan. Nakahinto lahat. walang hangin, walang ulap. Mayroon lang bughaw na langit at matingkad na araw. Nasaan ang lahat? Isa ba itong malaking production ng wow mali at pinagtritripan ako ng sambayanang pilipino.? 

Seryoso, natatakot na ako. Kinurot ko ang pisngi ko, baka sakaling panainip lang. Masakit. Naiiyak na ako, para akong baliw, patakbo-takbo sa parking lot. Tinitignan ang bawat nakaparadang sasakyan. Umabot na ako sa gilid ng edsa. Wala padin. Kahit tunog ng tambutso, makina o utot ng aso wala. 

Anak ng tipaklong, anong nangyayari? nasaan sila? nawala ang lahat? bakit ako lang ang nandito. sinakop na ba tayo ng alien at kunuha ang mga tao, naiwan ako dahil nakatulog ako sa loob ng sinehan? Kung minamalas ka nga naman. Kinapa ko ang bulsa ko, naalala ko ang telepono ko, tumawag ako sa mga kakilala at kapamilya. Walang sumasagot. Sa loob ng ilang oras, puro boses lang na paulit ulit. "Im sorry the number you dialed is currently out of reach/unattended. Naiiyak na ako, boses nalang nung recording sa telepono ang nagpapalakas sa akin, na nagsasbi na hindi pa ako hibang. Na may tao talaga sa mundo noon, at ako nalang ang natira. 

Nakahandusay sa gitna ng edsa. Walang ibang ingay kundi ang aking pag-hinga. Biglang may tumunog sa di kalayuan. Isang telepono, nagkandara pa ako na hanapin ito. Palapit ng palapit sa kung saang direksyon ito. Sa loob ng isang kotse. Sarado. Naka-lock. Kita ko mula sa bintana yung ilaw ng cellphone. Kumuha ako ng bato, binasag ang salamin, parang kidlat na pumunit sa katahimikan ang tunog ng mga nababasag na bubog. Inabot ko ang cellphone. Iphone, kulay pink na may hello kitty. 

Hello!!! Hello!!! Anong nangyayari? Hello!! Nasaan ka? Bakit walang mga tao. Nasaan ang lahat? Anong nangyayari?

Shhhhhh... wag kang maingay, sagot ng nasa kabilang linya..
Nasaan ka? Wag kang matakot... may iilan pang natira. Nasaan ka? Wag kang maingay. Baka mahanap ka nila. Magtago ka. At sundin mo ang lahat ng sasabihin ko kung gusto mo pang mabuhay..

(ITUTULOY)