Praktikal vs Pangarap
Nung umalis ako sa trabaho ko dati, laking tuwa ko, pero may kasama ding lungkot. Lungkot dahil madami akong iiwang mga kaibigan na napamahal nadin sa akin. Aminado naman ako na sarili kong desisyon ang pag-alis. Isang desisyon na kinagulat ng aking pamilya at kaibigan. Isang malaking kahangalan para sa marami. Anak ng tinapa, baka nga tama sila. Sa hirap ng buhay sa Pinas, madaming walang makain, madaming walang trabaho eto akong si gago na kusang lumalayo sa pera at amoy ng sweldo. Parang manok na nagtampo sa bigas pati sa feeds at mais. Gago nga talaga, bakit ba ako umalis? Gayong sa bangko 16th na beses ang sweldo. Kung sa karamihan hanggang 13th month lang ang sweldo ako naman nagpapakasasa sa labing anim at iba pang mga bonus at insentibo. Kung tutuusin bigtime ako sabi ng mga kaibigan ko, kapag naririnig nila kung ilang zero ang kasunod ng kuwit sa payslip ko. Kahit yung mga kaibigan kong sa ibang bangko din nagtratrabaho, masasabi kong ako ang may pinakamalaking sweldo.
Pero bakit nga ba ako umalis? Hindi ko din masyadong alam nung una. Ang paalam ko sa opisina, mag-aaral ako ng Masteral/Post Graduate course at lilipad na papuntang Canada. Hindi naman ako nagsinungaling, balak ko talaga iyon. Pero nagkagipitan na. Kahit malaki ang sinasahod ko, wala din ako masyadong naipon. Kung bakit ba kasi may sarili kaming bahay pero umuupa kami sa ibang bahay na 20 tumbling lang ang layo sa tunay naming bahay, hay ang mga magulang ko nga naman, daig pa sina Kim at Gerard kung magkatampuhan (pero next time ko na yan ikwekwento masyadong deep). Wala ako naipon dahil sa bahay at kuryente sa inuupahan napupunta. Kasama narin ang pagbigay ko ng matrikula ng kapatid ko kapag kinalabit ako ni itay kapag kinakapos sya, pambili ng ulam, sabon, tutpayse, bigas at konting luho ko sa katawan. Yung konting naitabi ko naubos din nung pumanaw si dearest Lola sa probinsya (sumalangit nawa). Umalis ako. Yun ang kinahinatnan, hindi ako nakapag-aral, hindi din nakapag-abroad. Sa loob ng halos isang taon naging taong bahay ako, na patambay tambay at pakikipagusap sa butiki. Unti unting naubos ang ipon at bakpay ko. Akala ko madali lang ako makakahanap ng trabaho. Hindi pala. Samahan mo pa ng ilang kilong katamaran sa umpisa. Sa umpisa medyo masaya talaga, nagagawa kong magpahinga, maglakwatsa, makatulog ng mas mahaba at tumingin sa langit na hindi iniisip ang naiwang trabaho sa opisina. Nakakahinga ka ng maluwag tuwing darating ang lunes, dahil alam mong hindi ka papasok sa kung saan, hindi mo narin hinihiling na sana friday na, para kinabukasan sabado, weekend na. Masaya kasi araw-araw weekend para sa akin. Ang saya sa umpisa pero pag tumagal na magsisimula ka nang malungkot, at magtanong tama ba ang desisyon ko sa pegreresign?
Sa totoo lang hindi ko talaga nakita ang sarili ko na magtatagal na magtrabaho sa isang bangko. Nakaharap sa kompyuter at magbibilang ng numero. Magkokompyut at makikipagsapalaran para i-please ang mga kliyente. Hindi ko sinasabing ayaw ko nung trabaho, sa totoo lang madali lang yung ginagawa ko. Masaya at masarap dahil mababait ang mga bossing at madam. Mababait ang mga kasama at katrabaho. Pero may isang bagay na hinahanap hanap ng katawan ko. Hindi ako sanay na nasa isang lamesa, sa isang opisina, sa isang building from 8-5 (shifting pala yung time ng trabaho ko) gayunpaman hinahanap ng utak ko ang outside world. Kinakati yung paa ko maglakbay, gumala at makakita ng ibang lugar. Hindi ko alam kung may ADHD ako, pero hindi ako mapakali sa isang lugar. Gusto kong kumawala, sumigaw ng yeah yeah at tumambling madalas. Ayaw ko sa kahon, gusto kong maging bola na tumatalbog talbog. Isang araw sa tutok ng utak ko nagflash sakin ang mga ito, napaisip ako, ito ba ang gusto ko, ang buhay opisina? Madali kong nasagot ito. HINDI. Pero natagalan din para ma absorb ko lahat, matagal mag-sink in. Ano ba talaga ang gusto ko sa buhay. Mahirap magresign, mahirap mawalan ng trabaho lalo na ng sweldo. Pero mas mahirap kung tatagalan ko pa bago umalis, baka mas mahirapan ako. Kaya sinabi ko sa sarili, kasama narin ang pagsangguni kay itay. Na matapos grumadweyt ng kapatid kong bunso sa kolehiyo magreresign na ako at pupuntahan ko yung gusto kong landas. At ayun na nga sa wakas grumadweyt din sya noong Marso 2010. Nagresign ako April 2010, Last Day.
Napag-usapan din namin ni itay ang pag-aaral ko, sabi nya Abugasya nalang ang kunin ko. Since tapos na si bunso mag-aral paghatian daw namin ang pangmatrikula ko. Pero maghanap daw muna ako ng trabaho. Trabaho sa umaga, aral sa hapon. Hindi ako nakahanap ng work, kaya ang ending lumampas ang enrollment. Waley napala! Sinubukan ko din mag-abroad, sa tita ko sa Canada. Kaso pera din ang problema. Lumipas ang mga araw, gabi, buwan at mga panalo ni Pacquaio. Wala padin ako trabaho. Hindi naman ako tamad mag-apply sa totoo lang, ngayon ko lang naranasan ang tumambay ng ganito katagal. Pagkatapos ko kasi sa kolehiyo kinuha agad ako para magtrabaho sa isang Real Estate Company. Tumagal din ako ng ilang buwan doon, bago lumipat sa bangko.
Mahirap maghanap ng trabaho, mahirap din na maging palamunin sa bahay nyo. Yung araw araw naririnig mo ang nanay mo, na sinasabihan ka at tinatanong kung ano ang balak mo sa buhay, kahit pabiro, masakit parin pakinggan. Nahirapan ako maghanap ng trabaho. Mahirap, kasi hindi ko alam ang gagawin sa buhay ko. Mahirap pumili sa praktikalidad at yung kasiyahan mo. Sa hirap ng buhay, kelangan kumayod. Madaming nagpapaka kuba sa pagtatanim, construction, pagtitinda, pag-aalok para sa maliit na minimum wage. Pero ako itong kumikita ng malaki sa isang malaking kumpanya, sa isang bangko, walang kaabog abog na nagresign. Kung makikita siguro ako ng nagtitinda ng fishbol at tokneneng, sisigawan nya ako at mumurahin. "tang ina boy, kung ako lang nakapag-aral hindi ako makikipaghabulan sa MMDA, kung nakapagaral ako sana nasa bangko din ako at kumikita ng gaya sa iyo, pakshet ka!"
Tama ba yung desisyon ko? tama ba na nakipagsapalaran ako sa isang bagay na pinapangarap ko at gustong gusto ko? kesa sa bagay na magpapakain sa nagugutom kong tiyan at pamilya? Mabubuhay ba ako ng passion? mabubuhay ba ako ng pangarap kesa ng pera? madaming tanong, paulit ulit. Pero hindi ko na kayang ibalik ang kahapon. Hindi ko nadin pwedeng pagsisihan ang mga bagay bagay. Desisyon ko ito eh. Dapat panindigan ko ito.
Matapos ang ilang buwan ng pagiging scavenger. Nakajackpot din ako. Matapos ang ilang ulit na rejection. Kawalan ng employer na bumilib sa aking credentials. Matapos ang ilang ulit na revision ng resume. Nakatsamba din ako. Papasok na ako sa isang industriyang akala ko isinuka na ako. Isang kumpanyang naniwala sa kakayanan ko. Ilang araw na lang. Alam kong mahirap, puno ng pagod, pawis, dugo at puyat. Pero sa mga taon ko na trinabaho, ngayon ko lang naramdaman yung excitement na mahirapan. Yung pagkasabik na pumasok. Tama yung sinasabi nila. Kung ayaw mo sa trabaho, para mo lang drina-drag ang sarili mo para pumasok. Hindi pa tapos ang araw, parang lanta ka na at pagod, yung pumapasok ka nalang "come what may" at 15-30 lang inaabangan mo kada buwan. Umaga palang gusto mo uwian na.
Alam kong magiging mahirap, pag tumagal tagal mas lalong madugo. Pero gaya ng ng sinabi ko. Ito yung pangarap ko eh, eto yung gusto ko. Kailangan panindigan ko ito. Balang araw, pagkatapos ng bawat paghihirap, alam kong makikita ko ang rainbow. Ilang mura, galit, sigaw at pagkapahiya ang maranasan ko. Alam kong ito yung magbibigay sakin ng pagkakataon para mag-excel sa industriyang gusto ko.
Ang pangarap parang ulap yan.Kailangan mo punuin ng pagod, pawis, pagsisikap at tyaga. Bago umulan ng biyaya at pagpapala. Kaya,sisimulan ko nang punuin ito. Sa tulong ng nasa ITAAS at ng mga taong naniniwala sa akin. Kakayanin ko ito, balang araw makikita ko din ang mga paghihirap ko, mapapalitan ito ng tagumpay. Maririnig ko din ang matagal ko nang gustong marinig. Magsisimula ako sa pinaka-mababa, unti unti aakyat ako. Balang araw Tatawagin din akong "Direk".
Credits to Google Image Search. No Copyright Infringement Intended.