Wasak na Wasak
Hedel Cruz
Galing Dito ang Picture
Kung Hindi pa ako nagkasakit hindi ko pa makikita si Itay. Matagal ko din siyang hindi nakita, dahil sa trabaho. Iba talaga gumawa si Lord. First Time ko Umabsent sa work. Nagkasakit man ako, nagkaroon naman ako ng panahon para makausap si Itay. Nagusap ng mga bagay bagay. Pinagluto niya ako ng Paksiw na Bangus. Pumunta ako sa dating bahay. Sa dating Sitio, sa lugar kung saan ako lumaki, nagkaisip at namulat. Ang dami nang tao, ang dami nang bago, ang dami nang hindi ko alam. Totoo kaya yung sinabi nung manunulat, na bago mo maintindihan ang isang bagay kailangan mo itong wasakin? Wasakin para mabuo ulit. Nawasak ng panahon ang panananaw ko sa munting lugar kung saan ako nanggaling, sa aking pagbalik, mabubuo ko kaya ulit ang mga ito? Ang mga alaala, kahapon at mga bagay na minsan ko nang tinapon. Parang kendi na nahulog sa lupa, sabi nila pag di ka lumingon sa pinanggalingan wala kang patutunguhan, pero paano kung ang patutunguhan mo pala sa huli ay yung kung saan ka nagsimula. Paano ko mabubuo ang mga nawasak. Sa paisa-isang ala-ala, sa pagbalik? O sa tuluyang pagtanggap na iba na, iba na ang lupa na aking kinamulatan.? Kung ang pagwasak sa isang bagay ang paraan para maintindihan ito ng lubusan, para malaman kung paano ito nabuo. Paano ko wawasakin ang unang bumuo sa akin, marahil dapat lang dahil ito ang unang nagwasak sa akin para ako mabuo. Ngunit buo na ba ako? Paano ko masasabing buo ako? Kailangan ko bang wasakin ulit ang sarili ko para maintindihan kung paano ako nabuo? Sa lumang bahay, sa lumang sitio, sa lumang daanang putik sa tagulan at abo sa tag-init, dito ako natuto, dito ako nabuo, dito din ba ako magbabalik para dito nabuo ang mga pangarap ko?
wasak na wasak
ReplyDelete