Nov 12, 2010

SALAMAT sa NU107

SALAMAT NU107


Flashback 3 Years Ago....

Isang araw habang nasa kwarto ako ng inuupahang bahay/tindahan ng tinapay. Nang tumunog ang aking cellphone. Isang text mula sa isang hindi kilalang numero. Hindi ko na matandaan ang mga eksaktong salita o texto. pero parang ganito iyon. "Please confirm , for this coming photo-shoot for the NU Rock Awards". Akala ko noong una isang joke o isang honest wrongsent lamang. Binura ko ang text. Tapos napaisip.. Wow ayus, Rock Arwards, Siguro akala ako si Pepe Smith o kaya si Eli Buendia. Binale-wala ko ang text na iyon. Tumingala at napatunganga, balik sa mga normal na ginawaga. Bumalik sa mundo ng pangarap, habang nangungulangot. Sumagi sa isip ko, wow saya siguro maging sikat, maging isang rakista. Isang musikero.. Makatanggap ng mga text na ganito para sa isang photoshoot.

Ang NU107

Kapag sinabing Rock Awards, dalawang bagay lang unang papasok sa isipan ng tao. Si Atom Henares, at ang Radio Station na NU107. Sikat si Atom, hindi lang dahil sa dati niyang asawa ang sikat ding si Vicky Belo. Kundi siya ang isa sa mga nagtatag ng NU107. Ang istasyong hindi lang nagbigay sa atin ng pinoy rock kundi naging institusyon din ng Pinoy Music. Taong 1987 kasama ni Henares sina Mike Pedro at Chris Hermosisima itinatag ang NU107 na nagsimulang magpatugtog at sumabay sa New Wave na siyang uso ng mga panahong iyon. May bali-balitang na isang dahilan kung kaya daw naitatag ang NU dahil kay Vicky Belo.   Ayon sa mga kwento, mahilig daw si Vicky Belo sa mga DJ at para mapasagot siya ni Henares. Sinabi nitong magtatayo ito ng Radio Station isang araw. At ayun na nga naitayo ang NU at naging mag-asawa sila. Na kinalaunan ay nagkahiwalay din ng mapayapa. (kung may isang bagay o dahilan na matutuwa ako kay Vicky  Belo ay eto yun , ang pagkabuo ng NU107.5 saka yung pagreretoke nya sa mga chicks para lalo pa maging sexy). Hindi man nagpatuloy ang love story nila Henares at Belo. Nagpatuloy parin ang NU107.5 para maging isang haligi ng Musikang Pilipino.

Flaskback Ulet....

At ayun na nga hindi ko pinansin ang text message na natanggap ko, ngunit kinabukasan nagtext ulet ito, na syang aking lubos na pinagtaka. Hindi ko parin ito pinansin. Pag dating ng hapon, mula sa eskwela muli itong nagtext sa akin. Lubos na talaga akong nagtaka, hindi ko alam kung honest mistake lang na magkamukha ang numero ko sa numero ng isang sikat na musikero o talagang nantritrip lang ang taong nagtetext na ito. Hindi ko na napigilan ang aking sarili, malapet na akong mabagot. Kayat kasama ang buong lakas ng mga daliri at kapal ng mukha at budhi, nagreply na din ako... "Is this a Hoax? If it is, Its not funny". Mabilis namang nagreply ang numro. Na lubos kong ikinagalak. Hindi ito yung eksaktong text pero medyo ganito yun. "This is not a Hoax, (binanggit nya ang kanyang pangalan, na nakalimutan ko na ngayon) we are looking for people who are 20yrs old for an article for this coming NU107 Rock Awards 2007. We found your files and info from (pangalan ng dating sinalihan ko). Mula dito ngumiti ako na parang aso. Tinext niya muli ang address na dapat kong puntahan kinabukasan. At duon nagkaroon ako ng munting alaala mula sa NU.

Alam ko ang NU Rock Awards. Alam ko din ang istasyon. Kahit pa parehong taon kami nabuhay at ipinanganak at late highschool ko lang ito nadiskubre (dahil wala kami radyong malupet noong bata ako, kaya hindi  masagap ang NU, saka mas madalas mga multiplex at carpenters ang paborito ni inay) masasabi kong naging isang malaking parte din ng buhay ko ang pakikinig sa istasyong ito. Bilang isang musmos na bata na wala masyadong luho sa buhay, ipinanganak sa Marikina ngunit nabuhay sa Antipolo, sa isang barrio na kung saan inabot ng 19 years bago masimento ang kalsada. Simpleng buhay at simpleng bata ako. Na inuuna ang pag-aaral at pagkaweirdo ng utak ko kesa sa musika. Deprived ako nung bata ako. Walang laruang magara maliban sa mga balat ng kendi, tirador, tansan, pog at sirang bike. Deprived din ako sa mga uso sa mundo. Nung pumasok ako sa kolehiyo mas lumalim ang pakikinig ko sa NU. Sa mga kwento at bida ng mga kaibigan ko, nakilala ko ng lubusan ang NU. Nangarap makapunta ng Rock Awards (na lubos kong ikinalulungkot dahil hindi ako nakapunta sa kahit isang rock awards) at kahit paano nangarap din ako sumikat at makatugtog dito. Sa totoo hindi para makatugtog, kundi magperform. Noong kolehiyo nagbukas sakin ang isang oportunidad at pangarap. Dahil sa pagkahumaling ko at mga kaibigan ko sa musika, nagtayo kami ng isang banda. Isang pangarap na akala ko ay magtutuloy tuloy. Nagsisimula. Parang hakbang ng baby. Paunti unti, hinihintay na tumakbo at lumipad kasama ang mga pangarap ko. Naging laman din kami ng mga mga event nuong kolehiyo. At OO dahil ako pinakamakapal mukha. Ako yung kumakanta. Bokalista. Kahit may stage takot talaga ako. Sige padin. Kahit minsan sumasablay. Pero lahat ng ito nagbago mula nung nagbreak kami ng drummer namin (naging gelpren ko yung drummer namin at OO babae sya, baka kung anu isipin mo).  Lalo pang nawalan ng gana ng lumipat ako ng kurso. Nagkaroon ng iba't ibang grupo ang mga dating ka-banda ko. Yung mga pangarap namin. Unti unting nawala. Naibaling narin ang atensyon ko sa pagsasayaw (dahil kailangan ko ng iskolarship). At duon nagtapos pansamantala ang pangarap kong maging musikero. Natapos man ang pangarap ko. Hindi naman nawala ang hilig ko. At ang NU ang kahit papaano ang bumubuo ng mga piraso ito. Nabubuhay sa kawalan at panaginip, habang nakikinig sa mga tugtog nito. Iniimagine ko na ako yun, sana ako yun. 

Ang Text Mensahe

Hindi na nga ako nagtaka na tunay at hindi biro ang text na natanggap ko. Sigurado na ako. Dahil wala namang ibang nakakaalam nang kahibangan ko. Totoong natapos ang mga pangarap ko sa Musika noong lumipat ako ng kurso nung 2nd year ako. Pero pansamantala itong nagbalik noong 3rd year. Isang simpleng biruan, muntik magkatotoo. Kasama ang mga bagong kaibigan nagtayo muli ng isang banda. Acoustic naman. Pumasa sa audition sa tulong narin ng ilang kaibigan. Regular na sana ang Gig sa Dampa sa Quezon Ave. Pero nagkatamaran. Ngunit dumating ang isang hindi inaasahang pagkakataon. Umalis si Rico Blanco sa Rivermaya. At ayun ang mga natirang miyembro, naghanap ng bagong bokalista,songwriter,at kung anu ano pa. Na hindi ko naman pinalampas. Sabi ko subok lang, baka makatsamba. Kaya isang araw, umabsent ako sa klase at dumiretso sa UP. Isang building sa Unibersidad ng Pilipinas. Nakita ko ang mga natirang miyembro ng Rivermaya. kakaiba yung experience na iyon. First time sa buhay ko na gumawa ako ng kaweirdohan na mag-isa. Kayat kahit walang kakilala at batang naive sa mundo. Sige ako. Nakapasa naman ako sa unang stage. Tapos ayan na second stage na. Di ko alam na may mga camera pala. Ayun naunahan ng kaba. Humarap ako sa manager ng Rivermaya (na ngayon at kinasuhan nila ng estafa) at si Francis Brew ng The Dawn. Todo kaba. Kumanta. Sabi ni Francis Oks naman daw ang pagkanta kaso mukhang kabado pa. Sa huli hindi ako umabot sa 3rd stage pero oks nadin. What a experience. Masaya oks lang. Doon sinabi ko sa sarili ko gagalingan ko pa (ang sabi kasi sa komersyal naghahanap din sila ng songwriter, yun pinunta ko dun eh, pero pinakanta ako, kala ko pwede itula nalang. hindi pala) gagalingan ko pa para makagawa ng mga malupet na kanta, o baka sakali maging isang magaling na manganganta. At eto na nga ang dahilan kung pano nila nakuha ang number ko, mula sa files ng RiverMaya.

Isang Araw sa Julia Vargas

At ayun na nga sure ako na hindi Hoax yung text message. Dahil konti langang may alam na sumali ako dun sa contest ng Rivermaya. At siguro wala naman magtyatyaga na papuntahin ako sa isnag lugar, para kidnapin ako o kung ano pa man dahil isa ng tipikal na Urban Poor ako. Nakuha nila ang files ko mula sa contest ng Rivermaya. At kailangan daw nila ng mga nilalang na may edad na 20 years old, para sa isang artikulo tungkol sa NU107.5, dala ang isang gusgusing cellphone kung saan nakalagay ang address, unang beses kong pumunta sa Julia Vargas. Maulan ang araw na iyon at muntik na ako magkandaligaw-ligaw, salamat sa mga gwardiyang mababait na pinagtanungan ko. Inabot ko din ang Istasyon ng NU. Ako ang pangalawang taong dumating. Nandun yung manager ng Rivermaya (na ngayon at kinasuhan nila ng estafa) Mga ilang minuto pa, dumating na ang ibang mapapalad na nilalang na kasama sa artikulo. Wow, ang swerte ko, ito ang sumagi sa isip ko ng mga oras na iyon. Siguradong matutuwa ang nanay ko kapag nakita nya ako sa Dyaryo. Doon na sinabi sa amin na gagawa ng article si Tim Yap, sa kanyang column sa Philippine Star. Para nga sa NU Rock Awards. Ilang minuto pa, nakadungaw ako sa bintana, akala ko dadating si Tim Yap, para isa isa kaming tanungin. Hindi pala. Binigyan kami ng 2 pahinang questionnaire na aming dapat sagutan. Habang sinasagutan, nabaling ang tingin ko sa ibang nandoon. Kakaiba ang pakiramdam. Lahat ata sila Rich Kid. Halata ko sa pananamit nila at pananalita. Nakahinga ako ng maluwag nung nakita ko ang ilang lalaki na nandoon rin sa sulok at mukahang di nakikihalubilo sa mga Rich Kid (pero hindi ko din sila nakilala sa bilis ng mga pangyayari at sa pagsagot ko sa mga tanong sa papel). Ako suot ang fitted na longslibs ( na hindi na kasya sakin ngayon ) ay tahimik lang sa sulok. Maya maya pa lumabas si Idol Francis Brew dala ang isang SLR Camera. Kinunan kami ng larawan. Isa-isa ang pagkuha ng larawan, na nakaayon sa oras ng iyong pagdating. Ako ang pangalawa. Pagkatapos ng piktyuran akala ko oks na. May libre palang meryenda. Ang Sarap ng Pizza pero di ko na nagawang mag-take two. Bukod sa nahihiya ako, dumidilim narin at malakas ang ulan sa labas. Kayat nang humina ito. Nagpaalam na ako sa kanila. Dalawang araw ang lumipas, nagtext muli yung numero, sinabing lumabas na ang artikulo ni Tim Yap sa Phil Star, sa SUPREME Section. May pamagat na " Atom Henares is 20 Years Old ". Akala ko may libreng passes sa Rock Awards. Medyo nalungkot din yung babaeng chicks na nagtetext mula sa NU. Pasensya na daw, akala nya din may libreng passes. 

At iyan na nga ang munti kong alaala sa NU. 


Paalam NU....

Ilang araw na nga ang nakakalipas. Ilang minuto bago mag alas-dose ng hating gabi, Nobyembre 8, 2010. Kasabay ng mga nakasinding 107 kandila sa labas at mga nagiiyakan at malulungkot na DJ at fans na walang sawang sumusuporta. Nagpaalam na ang NU107. Corporate issue daw and dahilan. After 23 years at 17 Rock Awards narinig ng sambayahan ang pagpapaalam ng isang Radio Station na naging bahagi na ng Buhay at Musikang Pilipino. Kakaiba ang NU sa lahat ng istasyon, mula ng ipasa ni President Cory ang isang batas na nagrerequire sa mga istasyon na magpatugtog ng 3 oras na OPM o Original Pilipino Music, ang NU ang isa sa nauna at naging daan para mabigyan ng pagkakataon at makilala ang mga sikat na banda ngayon. Hindi lang naging istasyon ang NU kundi isang Haligi ng Musikang Pilipino. Nov. 8, 2010 ay isang petsa na habang buhay na tatatak sa aking alaala. Ito ang araw na huli kong narinig sa ere ang NU. Sa araw na ito nagbalik ang mga alaala, pangarap at panaginip. Sinabi ko noon, noong hindi ako pumasa sa Rivermaya contest, balang araw makakapasok din ako sa industriyang ito, nangarap na isang araw makikita ko ulet si Francis Brew, makaakyat sa Rock Awards at tumanggap ng award. At sasabihing salamat, sinunod ko ang payo mo na magpraktis pa ng todo. Pero hindi na mangyayari iyon. Dahil wala nang NU at wala nang Rock Awards. Maaring pansamantala lang ang pagkawala ng istasyong 107.5 sa ere. Pero pagbalik nito alam nating iba na. Iba na ang pakiramdam. Oo nga at babalik ito, sa ibang format (magiging Win Radio na daw), kelangan nila ito para maisalba ng kumpanya at dumami ang audience share. Pero sa mga taong tulad ko at mga nilalang na hinulma at nabuhay sa mga musika ng NU. Ang NU ay NU period. Wala nang iba pang makakapantay o papalit sa tatak na iniwan ng Home of NU Rock. Umaasa ako na ang kapalit nito ay mas maganda. Pero iba padin talaga ang NU. Hindi ko ikinahihiyang sabihin na talagang napaluha ako sa mga huling sandali ng NU. Lalo na nunng nagsalita si Hermosisima at tumugtog ang Huling El Bimbo ng Eraserheads. Sa taong ito nasilayan natin ang Pagtatapos ng isang ERA, pagpapaalam ng isang alamat at haligi. Isang Institusyon ng Musikang Pilipino. Kailan man, hindi mawawala ang NU sa puso ng bawat musikero at mga fan na katulad ko. Kailan man hindi ito makakalimutan. Tuloy lang ang agos ng buhay. Matapos man ang pamamayagpag ng NU at mapalitan ng iba (na siyang dapat patuloy suportahan ng bawat isa), alam kong patuloy parin ang musikang Pilipino. Mawala man ang Home of NU Rock.  Mawala man ang Rock Awards, katulad ng buhay kailangan nating magpatuloy. We should continue Rocking On..... Ito ang aking huling saludo sa iyo NU107, ito ang huling pagpupugay. Salamat sa NU, salamat sa mga taong naging bahagi ka at naging daan ka para mabuo ang isang tulad ko, sa pamamagitan ng iyong musika. Salamat.  

NU Signs Off with Cris Hermosisima and Eraserheads' Huling El Bimbo as its Final Song 




Credits to Google Images Search No Copyright Infringement Intended

No comments:

Post a Comment