Oct 2, 2010

DIGMAAN NG PUSO AT UTAK

Credits to Google Images
DIGMAAN NG PUSO AT UTAK


        Ilang araw na rin akong nagsusulat ng sunod sunod sa blog. Ang totoo’y tamad ako magsulat. Lalo na kapag yung keyboard ko sa bahay eh dinadapuan ng alikabok. Ang totoo'y nawalan na ako ng gana. Ang mga huli kong isinulat ay puro masasaya, maliban sa pinakahuli (dun pa sa luma kong multiply). Hindi ko nga lubos akalain na marami ang nagbasa nito. Ang mga nauna ko kasing sinulat ay parang dura na nilalangaw sa bangketa. Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko ba ang ganoong tema, gayong marami ang natuwa dito (mga 5 tao yata yun). Natuwa ako at inihalintulad pa ako sa isang (sikat) na manunulat. Madami nang bumibisita sa pahina ko (multiply), ngunit hindi kasing dami kung kasikatan ang ninanais ko. Pero kung iisipin, ayaw ko ng ganun ang sumikat (feeling naman ako masyado eh naligaw lang ata mga nagpupunta sa pahina ko). Masaya na akong ang mga piling mga tao sa kontaks ko ay sumasaya (sana nga). Mas masarap kasi magsulat kapag nagsisimula palang. Dati may “xanga” ako, yung puro blog lang (ngayon madami na sya features). Madami ako nasulat dun, ngunit lahat nawala nung magdesisyon akong kanselin ang account ko dun. Masarap magsulat kapag konti palang ang bumabasa sa iyo ( hindi kasi ako pressured). Mahirap kasi na gumagawa ka palagi ng maganda, tapos ang mg susunod ay panis na. Kaya masaya ako at binabasa mo ulit ito. Masaya akong magsulat ngayon, (libre kasi akong nakakapag-upload sa opisina).


Nitong nakaraang taon lang lumipat ako sa blogspot.. pakiramdam ko kasi puro nagbebenta na ang meron sa multiply. pero ilang buwan din itong nilangaw.. may mga bumibisita parin naman. pero pakiramdam ko kulang... Naisipan ko ding pagkakitaan ang pagsulat, tipong pay per click ang tema sa mga ads.. baka sakali bumalik ang excitement ko p[ara mamulaklak muli ang aking utak. at sipagin ang mga daliri sa kamay, pati na sa paa.... Sinubukan ko ang adsense.. at dali dali naman ako nitong sinupalpal sa kadahilanang "Unsupported Language" ang Filipino. Na labis kong pinagtaka, gayong isa ang Pinas, O yes Pinas, sa malalakas gumamit ng web sa mundo.. Sinubukan kong magsulat ng Ingles.. at nagpasa ulet sa Ad Sense.. Supalpal parin, sa dalawang kadahilanan, Unsupported language (nanaman) at Unacceptable Content, sinubukan kong basahin ang mga nauna kong sinulat.. anung hindi acceptable duon... 


Sa huli, sumuko din ako... Bahala na kung Sa mga taong 2100 pa bago kilalanin ang Filipino bilang isang nangungunang salita, BALANG ARAW MASASAKOP DIN KAYO NG OFW, at mapipilitan kayong makaintindi ng tagalog.. NAwalan man ang pag-asa kong kumita ng pera sa pag tikwas ng nerve cell ko, sa pagsulat ng kung ano-ano.. Naramdaman kong... Ito ang kelangan ko... ang magsulat MULI....


Pero ang totoo, tulad ng isang batang takot sa kidlat, multo,manananggal, kapre, maligno, aswang, mangkukulam at kay Arroyo. Na pumapailalim sa kama upang magtago. Takot ako. Takot na takot. Hindi dahil sa nangangamba ako sa bukas o kung no pa man. Kundi takot akong mawala ako at lunurin ng aking pagsusulat. Madami ang nagsasabi na may bukas daw ako dito. Ngunit papaano ba magkakabukas ang isang taong takot harapin ito. Paano magkakalandas ang isang nilalalang na kagaya ko na hindi makaalis sa kahapon. Paano ako hahakbang sa isang bagay na gusto ng marami ngunit hindi ako sigurado. Gusto kong magsulat, walang kuwestiyon duon. Masaya akong napapasaya ang ibang tao. Ngunit hindi maalis sa isip ko, ito ba talaga ang gusto kong isulat? BAKIT BA AKO NAGSUSULAT?


Sabi nila mas mahirap daw magpatawa ng ibang tao kesa magpaiyak. Siguro epektibo ako sa pagpapatawa. Sa pagpapasaya. Class clown. Isang PAYASO. Masarap makatanggap ng reaksyon sa mga akda. Pero minsan talaga napapaisip ako. Ganito nalang ba ako palagi? Isang dakilang PAYASO? Hindi sa minamaliit ko ang aking kakayanan. Tulad ng sinabi ko mas masarap magpatawa kesa magpaiyak. Ang problema lang, ang aking mga kamay ay pumipilantik sa mga letrang ang utak ang gumagawa at hindi ang aking puso at kaluluwa.


Ano ba ang pinoproblema ko? E madami na nga bumabasa sa akin. 
(dun sa luma kong blog at sana dito rin)



Isa lang, madami ako gusto isulat, mga bagay na alam kong dapat kong isulat. Mga akdang alam kong magpapalaya sa aking tunay na diwa. Nitong mga nakaraang araw ang mga sinulat ko ay kabaliktaran ng aking mga tunay na nararamdaman. Lahat masaya, makulay. Sa loob isang burak.


Ano ba ang gusto kong mangyari.?


Isa lang din. Sana nariyan ka pa para bumasa sa mga susunod na akda. Kahit hindi na ganun ka kwela, hindi na ganun kasaya, ahit hindi ka na tumawa. Dumaraan ako sa isang yugto kung saan hinahanap ko ang tunay na magpapaligaya sa akin. Kung ano talaga ang gusto kong iparating sa mundo. Hindi ako magsasawang magsulat. Kahit pa hindi na ito mabasa. Hindi ko naman nais ang lahat. Ang nais ko lang eh ilabas ang mga bagay na ito. Mga bagay na matagal ko na dapat inilabas.


Wag ka tumawa, alam kong korni. Pasensya na.
Ayaw kong magng madrama. Wag mo ding isipin na ang OA ko.
Kelangan ko lang talaga....


Sana nariyan ka pa hanggang sa huli. Magbabasa.



Binura ko lahat ng sinulat ko mula nang magpunta ako sa blogspot.. at ngayon... bagong ako... bagong sulat... isang BAGONG KWENTISTA... SALAMAT...

No comments:

Post a Comment