Ang Buhay Aplikante at Pisikal Eksams.
Ang pinaka ayaw ko sa paghahanap ng trabaho maliban sa sandamakmak na pagprint ng resume, pagstapler, pagpapapicture, ang init ng Pinas (at kung minamalas ka) rejection ng inaaplyan mo, ay ang mga Medical Exams.
"Sige sir, talikod po kayo, tuwad po paki hawi yung dalawang pisngi. Paki-buka lang po"
"Paki puno narin itong lata ng Fita ng Jebs"
Halos mag-iisang taon narin nang napagdesisyunan kong lisanin ang aking trabaho sa isang malaking bangko sa Pinas. Isang desisyon na halos lumugmok sa akin, nagpalaki ng aking tiyan at nagbigay ng ilusyon na kapag may balbas at bigote ako kamukha ko si Brad Pitt.
Malapit na ako mabaliw kakatambay, mahirap mag-apply. Mainit sa Pinas, maalikabok at higit sa lahat konti lang maa-applyan. Mabibilang mo lang sa mga numerong 2, 5, 7, 9, 13, 25, at 33. Sinubukan ko rin sa mga naririnig sa transistor ng lolo at lola mo. AM at FM Pero wala padin. Ilang beses man akong magpasa, napaka-dalang naman ako matawag sa interbyu. Mahirap pala makahanap ng trabaho sa landas na gusto ko. Mahirap makapasok sa industriyang madami grumagradweyt kada taon. Para kaming mga aso na nag-aagawan sa maliit na karne. Kung hindi ka bulldog o kaya pitbull, kawawa kang chow chow ka. Yung iba swertihan, yung iba magaling talaga, pero kadalasan palakasan ang labanan.
Pero sa wakas, nakatsamba din ako o baka nadaan sa dasal. Naawa na siguro sakin yung nasa ITAAS. Nagkaroon ako ng tyansa. Matapos ang hinaba habang lakaran. Pagpasa ng resume, may nakapansin din sa akin. Matapos ang exams (na ewan ko kung bakit puro math), exam ulit - retake at interview. Abot kamay ko na ang pangarap ko. Yung hinahanap hanap ng katawan ko, excited na ako maging zombie sa umaga at deadkid sa gabi. Malapit ko na matutunan yung mga bagay na gusto ko, yung ilaw, yung lente, yung disenyo, yung damit. Lahat malapit na. Matapos ang sandamakmak na ngiti, sagot, ngiti, sagot at pagpupumilit na magmukha akong presentable at seryoso, ewan ko kung natuwa ba sila sakin o naawa. Nakapasa nadin ako. Ilang araw nalang magtratraining na ako. Magsasanay para maging zombie, excited na ako. Isa nalang ang hadlang yung MEDICAL EXAMS.
Ewan ko ba sino ba yung nag-pauso ng medical exams na iyan. Mahirap na nga maghanap ng trabaho. Kay hirap padin ng mga pagdadaanan mo. Hindi naman sa nagrereklamo ako, alam kong part yun at resposibilidad ng mga employer para pangalagaan ang kanilang mga tauhan o opisina na wag masamahan ng mga may nakakahawang sakit. Mga adik, may bacteria at virus. Ito'y moral na obligasyon din ng mga kumpanya at kung ikaw ay may sakit na hindi mo alam, swerte mo na diagnose ka at may chance ka para gumaling. pero ang chance mo para matanggap, wala nadin. Advantage ito sa mga kumpanya para pumili ng the best and the fittest para magtrabaho para sa kanila. Makahanap ng mga walang depirensya para magawa ng maayos yung trabaho nila. Yung makakuha sila ng todo bigay at hardworking. Pero naisip ko lang, kawawa naman yung mga adik na gusto mag bagong buhay, yung may sakit na gustong magkatrabaho para mapagamot ang sarili at mapakain ang mga anak. Kawawa naman yung pilay, bulag o pipi. Hanggang pagmamasahe nalang ba sila o kaya factory worker? Kawawa yung may diperensya sa katawan na hirap na nga maghanap ng trabaho discriminated pa. Sila na gusto maging part ng society, sila na laging kawawa dahil ang panget at walang tamang wheelchair lane, sidewalk at ramp na makakatulong sa kanila. Para saan ba yung exams, kapag di mo kaya tumayo di ka na pwede? kapag nagyoyosi ka di ka tanggap, kasi baka mabilis ka mamatay at malugi kumpanya pagbabayad ng benefits mo? kapag may sakit ka sa dugo, magmukmok ka nalang? Kapag dati kang adik dehins ka na, olats ka na tsong? Kapag may dugo ka sa jebs o almoranas, bawal ka? Para san ba yun? Para masabi lang na fit ka? Hindi ba mas maganda kung sa utak nalang ang exams. Yung tipong, kung may topak o toyo ang isang tao. Kung may tendency ba ito para magnakaw sa kumpanya, mangmolestya ng katrabaho, maging tamad sa opisina o kaya maging kurakot. Kung may history ng pagka-psycho. Sa tingin ko ito yung mga dapat tignan. Hindi yung pisikal lamang. Para sa akin mas madami pang pilay, pipi, bingi, bungi at galising tao ang mas fit para sa mga trabaho. Sila yung mga taong higit pa sa trabaho ang hanap, hanap nila yung pantay na playing field, pantay na pagtingin.
Yung mga pulitiko kaya may medical/physical exam din? Dumadaan din kaya sila sa pag BP, CBC, Urine Test at Fecal Test (ewan ko ba kung bakit may fecal test, eto yung pinakamahirap eh, kung hindi ka matae sa clinic malas mo. Uwi ka ng bahay pero dapat fresh mo itong ibibigay sa kanila, di lalampas ng 2 hours), na ewan ko talaga kung anu tinitignan nila sa jebs, baka sakaling may makita silang mutation ng mais at kamote na kinain mo kanina. Tumutuwad din kaya sila para makita kung may almoranas sila bago umupo maging mayor, vice, tanod, congressman, senador, chief justice, o presidente. Kung required sa mga gumagawa ng tinapay, nagluluto, matador at mga pangkaraniwang government at private employee na magpa-physical exam, dapat lahat din ng pulitiko. Dapat meron din sila ganito every year, para magkaalaman na kung sino ang adik (ng hindi na nahuhuli sa hongkong). Sila yung dapat mauna sa bawat test. Para malaman kung sino ang madaming babae (STD), malaman kung sino ang fit para mamuno sa bayan at sa tao. Para malaman sino malakas uminom (at madalas sa mga beerhouse). Simulan sa test sa utak para malaman na kung may tendency topakin at mangurakot, yung mga deprive nung bata. Yung mga bully. Kung ang medical o physical exam ay basehan kung makakapasok ka sa trabaho. Aba, dapat lahat na. Pati yung nasa Palasyo. Tama ba?
Buhay Aplikante nga naman... Bow
No comments:
Post a Comment