NANG GUMILING GILING SI
MANDONG BIGATIN
(Excerpt)
ni Hedel A. Cruz
Naalala ko si Edna, kababata ko nga iyon, kapitbahay pa. Madalas kaming maglaro, kasama pa yung iba namaning kaibigan, sina Botchog, Tata, Macmac, Elsa, Ligaya at si Dante. Sa aming lahat si Edna ang pinaka matalino. Bibong bibo. Minsan ngang sumali ng pakontest ng piyesta. Nanalo pa. Magaling ding kumanta. Sa kanilang tatlo nila Elsa at Ligaya, si Edna yung pinaka maganda. Hindi naman magpapahuli yung dalawa, kaso tuwing may kontest talagang pang second at third lang silang dalawa. Sabay sabay kaming nakatapos ng Elementary. Nung Hayskul na, tumigil sila Botchog at Tata. Si Botchog, yung pinaka mataba (palaging talo sa habulan-taya) lumipat sa kabilang bayan. Mula nuon hindi na kami nakabalita sa kanya. Huling balita naging bakla na raw at may sariling parlor sa kabayanan. Biruin mo nga naman totoo pala yung hinala ko dati. Minsan kasing nagpunta kami sa sementeryo at todo ang kapit nya kay Dante.Siya ang pinakamalaki (literal na malaki kasi mataba sya) sya pa ang takot. Kaya tinatawag syang Balyenang Bakla. Pero nung minsan inasar namin syang bakla, nagalit at hinabol kami ng suntok at sipa, pero dahil nga mataba hindi rin kami mahabol. Kayat iiyak nalang sa isang sulok.
Si Tata naman, naglayas sa kanila. Nung araw na naguwi ng panibagong nanay yung tatay nya. Ok naman sana kaso hindi pa patay yung tunay na nanay ni Tata. Ang totoo’y may sakit lang. Pirming nakahiga sa kama. Hindi makatayo, hindi din gaanong makapagsalita. Parang gulay kumbaga. Hindi yata kinaya ni Tata na makitang may ibang binabahay yung Tatay nya kahit nandun pa sa bahay yung Nanay nya. Anu nga ba naman ang magagawa ng hindi makakilos na Nanay nya. Kundi umiyak nalang sa higaan. Palusot ng tatay nya, Lalaki sya na may pangangailangan, at hindi iyon maibigay ng Nanay ni Tata dahil nga gulay na ito. Naglayas si Tata. Di nagtagal namatay yung Nanay nya. Hindi na sya nagbalik, kahit sa burol o libing ng Ina. At naging pormal na Happily ever after yung Tatay nya saka yung Babaeng inuwi nito. Huling balita namin, ay.... wala pala kaming balita. Sabi sabi lang, pero hindi kumpirmado. Napatay daw si Tata. Naging Holdaper kasi sa Maynila.
Hindi ko narin napigilan ang sarili ko at ibinulalas ko narin ang tagalang pakay ko kay Mang Kanor. Dahil nga nakapag ahon na sya ng mga isda.
“ Mang Kanor may kasama na ho ba kayo sa pag bihaye nyan sa Maynila?”
“ Ah, eh bakit, gusto mo bang sumama? Meron na akong kasama, nang galing na yung anak ni Teban. Nauna nang nagpasabi. Nahiya naman ako dahil kumpare ko yung si Teban. Kaya siya ang kasama ko. Dapat nga sana ay hindi na ako magsasama, kaso medyo matanda narin ako, baka mabali ang balakang ko. Maliit lang din naman ang kaya kong ibigay dun sa bata. Napakataas kasi ng gasolina ngayon. Buti pa nung araw ang mga taga lungsod ang dumadayo dito. Pinagbigyan ko na yung bata kelangan daw pambili ng libro sa pasukan”
Napaisip si Mando, mukhang hindi siya makakasama. Pero mabilis syang mag-isip. Sayang, kung sana ay nauna siya, kahit papaano ay may kikitain sya para sa kanyang pakay sa Maynila.
“ Ganun po ba, sayang naman. Dapat pala ay maaga ako. Pero baka may pwesto pa sa jip nyo Mang Kanor”
“ Aba’y bakit iho?”
“ Makikisabay nalang ako papuntang Maynila”
“ Meron pa naman, kaso dun sa likod, sa tabi ng mga banyera, Ano ba ang gagawin mo sa Maynila, sino naman ang tutunguhin mo duon. Wag mong sabihing may nobya ka duon, dyaskeng bata to. Ke bata bata mo ba may nobya ka na”
“ Wala po, may pupuntahan lang ako duon”
“ Ahh, sige, pero dun ka sa likuran. Mabuti narin at may magbabantay sa likod ng jip, pero wala akong maipapakain sa iyo, sa Maynila ko pa kasi makukuha yung bayad sa mga isda.”
“ Sige po, magbabaon nalang ako. May mga kamote pa naman sa likod bahay namin.”
“ Mabuti sige damihan mo ha”, sabay tawa ng matanda.
Ilang sandali pa ay tumungo na ako sa ibang mga bahay para kumuha ng pakain ng baboy sa ibang bahay. Madami yung nakuha ko kila Mang Kanor, halos mapuno yung isang timbang dala ko. Isang timba pa ang dapat kong punuin. Napadaan ako sa Bahay nila Edna, tulad ng dati naroon sya sa bahay nila. Isang malaking bahay pero hindi tapos. Nandun sya sa veranda, sa likod nya ay mga tagpi tagping pintura ng dingding. Malayo ang tingin nya. Tulad ng dati.
Sa tapat ng bahay nila nandun parin yung Puno ng Acacia. Dun kung saan kami palaging naglalaro, talagang napakanda ni Edna. Sobrang ganda. Sa buong bayan kakaunti lang ang nakatungtong ng magandang kolehiyo. Swerte na nga kung kahit hagdan masilayan mo. Sabay sabay kaming grumadweyt ng Hayskul, si Edna, Elsa, MacMac, Dante at Ligaya. Si Ligaya at Elsa sumali nang kontest nung Piyesta, nung araw na wala si Edna, kasi nga ay nagaaral sa Maynila. Laking tuwa nila dahil ngayon baka sakaling isa na sa kanila ang manalo. Nanalo nga si Ligaya, pangalawa si Elsa. Inampalan nuon si Meyor. Mukahang nabighani kay Ligaya. Kaya ayun, binahay. Naging dakilang kabit sa Edad na disisyete. Nung una ay maayos naman. Kaso nung mabuntis, at natalo si Meyor nung eleksyon parang bula naring naglaho ang kaligayahan ni Ligaya. Nagpunta ng Maynila para mabuhay yung anak nya. Ayun naging puta, at may bago na syang pangalan, JOY. Ganun din kaya ang nararamdaman nya sa gabi gabing pag giling sa club?
Si Elsa, nakatungtong din ng Maynila. Sales Lady sya ngayon sa supermarket.
Pero Hindi naman puro kalungkutan ang nangyari sa amin. Maganda naman kahit papaano ang nangyari kila Dante at MacMac. Dahil nga hindi na nagiging maganda ang ani ng baryo marami sa mga tao dito kung hindi magpupunta sa Maynila mag-aabroad. Yung Tatay ni MacMac naging welder sa Saudi. Yung Nanay naman ni Dante naging DH sa Hongkong. Talaga naman nauso ang pag-alis sa baryo nang humina ang ani. Naging maganda rin naman ang kinahinatnan nito. Lumaki ang mga bahay. Naging mga bato. Nagkaroon ng mga sasakyan. Mas dumami ang mga awto kesa sa mga kalabaw, baboy at kambing dito. Kayat kahit papaano ay napilitan yung meyor dati na ipasimento ang daan. Tuwing may uuwing galing ibang bansa akala mo laging piyesta. Lahat ng nag-abroad masaya. Pero hindi sila Edna.
Credits to Google Image Search. No Copyright Infringement Intended
No comments:
Post a Comment